Project: EYOD

PITONG TAON SIYA nang una niyang narinig ang salitang iyon. Rumehistro ito sa kaniyang STM (short-term memory) sa loob ng 1/5 segundo, iprinoseso sa loob ng sumunod na 2/5 segundo at nang hindi mahanapan ng katapat sa nakaimbak na datos sa kanyang LTM (long-term memory) ay isinuksok kasama ng iba pang foreign sense-perceptions na naghihintay lamang na muling maantig sa kanyang utak. Naganap ang lahat ng ito sa loob ng wala pang isang segundo. 

… Walang sariling trash bin ang isip ng tao, lahat ng nasasagap ay iniipon at hindi pinakakawalan gaano man kawalang-halaga, gaya ng mga sinaunang tao na hindi maitapon-tapon ang mga liham ng namatay nang kakilala, programa sa napanood nang konsiyerto, at kahit nagamit nang tiket sa sasakyan nila noong tinatawag na bus (noong nahahati pa sa iba’t ibang bansa ang Sistema, binabasa ito sa iba’t ibang teritoryo bilang bass, baz, o bŭs)kaya sa isang banda, utak ng tao ang naging pinakamabagal ang pag-unlad, ang nananatiling sinauna, sa loob ng mahabang panahon …

Ito ang pilit niyang inuunawa, makalipas ang labing-isang taon, bilang paghahanda sa System Evaluative Test (SET). Aaminin niyang sa pitong bahagi ng SET na kailangan niyang lampasan, Spatial Intelligence Test (SIT) ang pinoproblema niya. Nahihirapan siyang magmapa ng mga konsepto upang masukat ang lalim, lawak, at layo ng mga ugnayan nila sa isa’t isa. 

The human brain is the only remnant of the past, ito ang pinag-iisipan niya, kaya hinding-hindi niya inaasahan na nang gabi ring iyon, maririnig niyang muli ang salitang hindi itinapon ng kaniyang utak (hindi maitapon, itatama niya ang sarili makalipas ang dalawang araw, dahil wala ngang trash bin ang isip ng tao).

Papasok na dapat siya sa kuwarto ng mga magulang niya para kumpirmahin ang kaniyang access number sa SET, pero napahinto siya sa tapat ng pinto nang marinig ang huling binitiwang salita ng ama. Nabulabog ang LTM niya. Mabilis ang reaksiyon ng utak niya: narinig ko na iyon dati! Hindi na siya pumasok sa silid. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit nakaramdam siya ng kaba. Kung bakit pakiramdam niya’y hindi niya dapat narinig ang salitang iyon. 

Narinig ko na iyon, narinig ko na iyon. Naiinis na siya sa sarili niya. Bakit hindi ko mahagilap ang lokasyon ng alaalang iyon? Naalala na naman niya ang kahinaan ng kaniyang spatial intelligence. Maaari kong ipagpaliban ang test bukas. Maaari nga niyang ipagpaliban ang pagsusulit kinabukasan. Maaari niya itong ipagpaliban hangga’t hindi siya lumalampas sa edad na labingwalo. Ang SET ang magtatakda kung ano ang maaari niyang maging espesyalisasyon batay sa kanyang mga kakayahan (ang ibig sabihin: kung saan siya magiging pinakakapaki-pakinabang para sa Sistema). 

Bakit ba ako kinabahan? Wala siyang maisip na dahilan kung bakit hindi siya dapat tumuloy sa silid ng mga magulang kanina. Code ba ‘yun sa trabaho ni Dad? Partikular ang espesyalisasyon ng ama niya sa mga proseso sa utak. Classified ang trabaho nito para sa Sistema. Sa pagkakaalam niya, mabibilang sa daliri ang kasamahan ng ama sa Mind Processes Division (MPD) ng Sistema (hinala lang, dahil hindi nga nila pinag-uusapan sa bahay ang trabaho nito). Maliban sa mga detalye gaya ng haba ng oras na inilalagi ng ama niya sa opisina (na malalaman lamang nila kung bibilangin ang mga oras na wala ito sa bahay matapos ibawas ang daily sanctioned leisure hours nito), wala na silang ibang alam tungkol sa trabaho nito. 

Maaari kong ipagpaliban ang test. Pero nasasabik na rin siyang kuhanin ang SET. Gusto na niyang malaman kung saan siya hahasain ng Sistema sa loob 14,000 oras para maging bahagi ng Division ng kaniyang espesyalisasyon agtuntong sa edad na dalawampu. Pinag-isipan niya kung babalik siya sa silid ng mga magulang. Nakaramdam na naman siya ng kaba. 

Pahinga, kailangan ko ng pahinga. Isinet niya ang kanyang automated body-clock (ABC) sa anim na oras na pagtulog. Magigising siya nang eksaktong alas-singko ng umaga. Bago iyon, inirehistro niya sa kaniyang Individualized Computer (IC) ang salitang narinig sa ama (at sigurado siyang narinig niya noon sa ikalawang pagkakataon) upang hindi malimutan kinabukasan. Bago siya pumikit, inulit pa niya sa kaniyang isip ang salita. Panaginip.


2003.02.18.2200.

>> iyon ulit ang napanaginipan ko. kapag pinag-iisipan ko nga, parang hindi panaginip. napakalinaw na, tuloy-tuloy pa. mas pelikula kaysa panaginip. weird pala kapag naging lohikal ang panaginip mo. pinuntahan ko nga si dennis. ikinuwento ko ulit sa kanya. ayaw na niyang maniwala. ako, parang ayoko na ring maniwala na halos isang taon ko nang napapanaginipan ito. gusto ko sanang bumalik kay doc fer pagkagising ko kanina. pero alam ko, iyon na naman ang sasabihin niya. write about it. what were you feeling when you woke up? at paulit-ulit din ang isasagot ko. isinusulat ko, doc. wala naman, doc, kinakabahan lang ako. hindi ko alam kung bakit. basta doc, kinakabahan ako.

>> pinatulan ko na kahit ang iba’t ibang dream interpretation books. pero wala pa akong nakitang libro na makapagpaliwanag sa laman ng panaginip ko. object-based lahat ng nakikita ko sa national. o kahit ‘yung understand your dreams na binili ko ng php700 sa powerbooks (nasaan na nga ba ‘yun?). ang kaya lang nilang ipaliwanag, kapag nanaginip ka ng ahas. o bato. o bahay. o dugo. nakaugat lahat sa mundo. sa ngayon. kung nasa atisan ako, tiyak na numero sa jueteng ang pantapat ni mang bert para rito. 

>> pero paano nga kung ang napapanaginipan ko ay isang mundo kung saan walang panaginip? sabi ko na nga ba, parang pelikula. parang kuwento. sci-fi. sabi ni dennis, baka dala lang ito ng sobrang pagbabasa sa mga akda nina clarke at le guin. pero wala pa halos anim na buwan na laging ito ang napapanaginipan ko, tinigilan ko na sila. halos isumpa ko rin ang naging pagkahumaling sa sandman ni gaiman. kahit ang mga libro ni asimov, hindi ko na pinapatulan kahit nakikita kong bente pesos na lang sa booksale. tuwang-tuwa nga si dennis nang ibinigay ko na sa kanya ang mga libro ko nina kafka at camus nung isang buwan lang (ngayon, inaawitan na niya kahit ‘yung labyrinths ni borges). nagkaroon na yata ako ng phobia sa panaginip. para namang nang-iinis, nang mag-birthday ako, binigyan ako ni dennis ng libro ni murakami. hard-boiled wonderland and the end of the world. wala pa akong nababásang murakami, pero nang makita ko sa jacket na may kinalaman sa panaginip ‘yung nobela, hindi ko masimulan. tawa nang tawa si gago. 

>> minsan nga, naiisip ko, may conspiracy talaga ang buong mundo para pagkatuwaan ako. hindi ako madalas magsimba. pero kanina lang, sinubukan kong dumalo sa misa. sabi ko sa sarili ko, baka sakaling mawala ‘to. hindi ako pamilyar sa processional song kaya habang kumakanta ‘yung mga tao, ang pumapasok sa isip ko, paulit-ulit: ayan ha, sumimba na ako, alisin mo na naman ‘yung panaginip na ‘yun. magaan na sana ang pakiramdam ko. kahit sa loob ng ilang minuto, nakumbinsi ko ang sarili kong mawawala na ‘yung panaginip na ‘yun dahil nga nagsimba ako. pero pagdating sa gospel, tungkol sa panaginip ni st. joseph. ang sermon ng pari, tungkol sa panaginip niya. sa sobrang pagkainis, hindi ko na tinapos ang misa. lumabas ako ng university chapel at nakita ko si missy. ang malas, nakita n’ya rin ako (may crush daw sa akin, sabi ni dennis, kaya buntot nang buntot). nagmamadali akong naglakad palayo. hindi ko na nagawang bumalik kahit nang marinig kong isinigaw niyang heto-na-yung-understand-your-dreams-mo-hoy! na nakuha niya pala kay dennis.


Inihanda niya ang sariling silid para sa SET. Labingwalong taon siyang sinasanay para sa pagsusulit na ito. Itinatalaga ng Sistema ang bawat trainor (pito silang lahat) sa sandali pa lamang ng pagbubuntis sa isang tao. Ang trabaho lang ng bawat isa, i-enhance at i-maximize ang potensiyal ng kanyang intelligences. 

Isang pagsusulit para sa bawat aspekto. Bawat isa, puwede niyang kunin sa anumang araw na gusto niya, basta kailangan niyang matapos ang pitong pagsusulit bago siya lumampas sa edad na labingwalo. (Five years ago: Dad, paano kung hindi ko natapos ang test at eighteen? Dad: Matatapos mo ‘yun. Wala pang lumalampas sa age limit ng Sistema. Four years ago: Paano kung ako ang una? Dad: Highly improbable. You are being trained for the test for fourteen years now. Three years ago: Dad, just in case I don’t make it? Dad: You’ll pass through it. Just like all of us. Two years ago: Dad, highly hypothetical. Paano nga kung di ko matapos? Dad: Last year: Dad? Dad: Then I guess you’ll have no future.

Maaari siyang tumigil sa anumang punto ng pagsusulit, basta kailangan niya itong tapusin sa loob ng dalawampung oras. Kung hindi niya natapos, kailangan niyang ulitin ang pagsusulit na iyon sa ibang araw. Handa na siya ngayong kunin ang kanyang Linguistic Intelligence Test (LIT). Nakapagsasalita siya sa limang iba’t ibang wika (tatlo lamang ang passing requirement ng Sistema) at nakauunawa ng apat na iba pa. Magaling ang trainor niya rito. At sa tingin niya, dito siya pinakamahusay. Panaginip. Sa siyam na wikang nauunawaan niya, bakit wala siyang naengkuwentrong ganoong salita? 

Sinubukan niyang kalimutan na muna ang tungkol doon. Kailangan niyang ituon ang sarili sa SET. Lumitaw na ang 3D surround-hologram na magbibigay sa kaniya ng pagsusulit. Kamukha niya ang binuo niyang hitsura ng kanyang virtual examiner. Pinangalanan niya itong Erick-18. Paborito niyang pangalan iyon, lalo na nang una niyang marinig na ipinangalan ito ni Synedd sa robotech pup ng pamilya nila. “Saan mo dinampot ang pangalang ‘yan?” Tumawa lang ang kaibigan niya. “Imbento ko lang.” Hindi siya naniwala, pero hindi niya sinabi. Parang sinaunang Aryan ang tunog. Makapangyarihan ang dating. Reich. Sheik. Erick. Mula noon, lahat ng naiimbento nila, tinatawag nilang Erick. Erick-01. Erick-02. Erick-03… Nagsimula lang sa katuwaan pero ngayon, pakiramdam niya’y bahagi na ng buhay niya ang pangalang iyon. 

Umandar na ang timer. Nagsalita si Erick-18: “Your 1 day or exactly 20 hours and 81 seconds for the Linguistic Intelligence Test begins.” Madali ang simula ng pagsusulit. Nakapikit lang siya. Tuloy-tuloy ang pagpapalit ng impormasyon sa right at left brain niya. Madulas ang daloy ng impormasyon sa kaniyang STM at LTM. Tuloy-tuloy ang pagbibigay niya ng sagot kay Erick-18. 

Iyung apat na wikang nauunawaan niya (maliban sa limang iba pang nagagamit niya), nagmula pa sa panahon bago nabuo ang Sistema. Pero ngayon nga, maaari na lamang niyang pag-aralan ang limang iyon pero hindi gamitin. Naiisip niya ang kumplikasyon ng wika sa mundo dati: bakit may magkakalapit ang heograpikong lokasyon pero magkakaiba ng wikang ginagamit, samantalang may magkakalayo namang lugar pero iisa lang ang wika? Sa palagay niya, isa sa pinakamahalagang kontribusyon ng Sistema ang pagpapaunawa na hindi nga heograpiko ang wika, kung gayon. Functional ito. Depende sa pangangailangan, hindi sa lokasyon. Ang limang wika, halimbawa, na kaya niyang gamitin ay batay sa limang iba’t ibang espesyalisasyon. Bawat sistema sa loob ng Sistema, may natatanging wikang ginagamit. Kailangang alam mo ang wika ng sistemang iyon upang magkaroon ka ng access sa loob nito. Walang salin ng mga wika mula sa isang sistema patungo sa iba dahil magkakaiba nga ang kanilang realidad. (Sabi nga ng kanyang linguistic trainor: What is the point of duplicating something in one system that is already found in another?

Sa pagkakaalam niya, isang sistema lang ang may automatic access ang bawat tao: ang interpersonal domain (ID), upang magawang makipag-usap ng tao sa isa’t isa. Lahat ng iba pa, kailangang pag-aralan nang may pahintulot ng Sistema. Ang hinala niya, daan-daan ang sistema sa loob ng Sistema na gumagamit ng iba’t ibang wika. Walang problema kung walang iba pang alam na wika ang isang tao maliban sa tatlong kahingian ng Sistema para sa LIT dahil hindi naman makaaapekto sa kaniya ang isang sistemang hindi niya mapapasok. Sa tantiya niya, nasa limampung system-languages ang nagagamit ng Dad niya. At alam niyang sa bawat araw, nag-aaral pa rin ito ng mga bagong wika. Panaginip. 

Nagmulat siya ng mga mata. Halos dalawang oras na niyang kinukuha ang LIT noon (kaya itong tapusin sa loob ng limang oras) nang akala niya’y nag-short circuit ang kaniyang left at right-brain. Panaginip. Pinagpapawisan siya. Pinatay niya ang hologram. Nagpaalam sa kanya si Erick-18: “Just retype your SET access number when you want to resume your LIT. Your remaining time is exactly 18 hours. Goodbye.” 

Hinahabol ng tibok ng puso niya ang ragasa ng mga idea sa utak niya: Kahit na gaano karaming wika ng iba’t ibang sistema ang alam ng ama niya, hindi niya maaaring marinig ang salitang binitiwan nito sa loob ng ID kung hindi nga ito bahagi ng mismong domain na iyon na nauunawaan ng lahat! Pero kung bahagi talaga ang panaginip ng ID, paano nangyaring wala siyang alaala nito nang una niya itong marinig? 

Dali-dali siyang lumabas ng silid. Kasimbilis nito ang pagkatagpo ng kaniyang utak sa isang hindi naitapong alaala. Alam ko na, alam ko na. Right, when I was seven… Yes, why did I forget? Noon din, alam na niyang kailangan niyang makausap ang kanyang ama.


2003.02.20.2201.

>> okey lang naman sanang managinip. noong bata pa nga ako, naiinis ako paggising kapag hindi ko maalala ang panaginip ko. pero ngayon, mas nakakainis pala kapag masyadong malinaw ‘yun. kapag naaalala mo lahat. minsan, natatakot na rin akong matulog. kahit pa paboritong-paborito ko ang sleep all day ni jason mraz na tumutugtog sa media player ko ngayon (… that was my old man and he said, if all is grounded you should go and make a mountain out of it …), mas gusto ko pang magpuyat na lang. kahit wala naman talaga akong gagawin.

>> tinakot ako ni dennis kahapon, kesa naman daw hindi na ako nananaginip. sa isang banda, namimiss ko na nga iyon. ‘yung sobrang malalim na pagtulog kaya hindi mo maalalang nanaginip ka. pero hindi naman ganoon sa mundo ng panaginip ko. basta wala silang panaginip. hindi bahagi ng mundo nila. ano’ng ibig sabihin nun? bakit ako nananaginip ng isang mundong walang panaginip?

>> weird ka kasi, architecture student na feeling lit major at kuwentista, ang laging biro ni dennis, sabay ngisi. at ikukuwento pa nito (for the nth time!): kesa naman nung freshmen tayo, naaalala mo, maghapon tayong nag-review for math midterms, and imagine, that same night, ang napanaginipan ko? nagre-review pa rin tayo ng math. wow, iyon ang nakakabaliw.

>> sasabihin ko naman sa kanya, oo naaalala ko. pero hindi ko na sasabihin na paano ba naman, laging iyan ang ikinukuwento mo, kasi baka sabihin niya: ‘yun na nga e. dahil iyan ding panaginip mo ang lagi mong ikinukuwento kaya you’re getting the same response from me. over and over again. tama naman ‘yun. sobra na talaga ‘to. kailan ba matatapos ito? kailan ko nga ba unang napanaginipan ito? 10 months ago? 11?

>> tinawagan ako ni doc fer kanina. bakit hindi na raw ako dumadaan sa clinic n’ya. nagsinungaling ako. sabi ko, di ko na naman masyadong napapanaginipan. kasi naman, ilang buwan na rin akong nagpapabalik-balik sa kanya, wala namang nangyayari. siyempre ang bilin lang niya lagi, basta keep your logs. makakatulong iyan. tumango lang ako, naibaba ko na ang telepono nang naisip kong hindi nga pala niya makikita ang pagtango ko. 

>> nung una pa lang na kumonsulta ako sa kanya, ayoko nang ipakuwento kahit kina papa, baka sabihin pang nababaliw na talaga ako (lalo pa si papa, na kabaliwan na nga nang sabihin kong gusto ko yatang mag-shift sa lit). kami lang tatlo nina dennis ang may alam. at si missy, hirit ni dennis kanina. hinawakan ko siya sa balikat na anyong itutumba sa upuan. binawi agad: binibiro ka lang, puwede ko bang sabihin ‘yun? siya nga pala, kinuha n’ya sa akin dati ‘yung librong binili natin sa powerbooks. inilabas ko sa bag ko, eto ba? nakuha pa niyang ngumiti: sori ha, inagaw sa akin e, nang malaman na sa ‘yo. sige na nga. kahit maloko’y natutulungan naman niya akong kalimutan ang panaginip ko.

>> pero alin ba talaga ang mas nakatatakot: sanay kang nananaginip tapos bigla ka na lang hindi mananaginip, o wala ka pang karanasan ng pananaginip at bigla kang mananaginip? maganda sana itong isulat bilang isang kuwento, kung hindi nga lang ako nabubuwisit dahil mas mukhang fiction itong nararanasan ko ngayon kaysa sa mga nasulat ko nang kuwento.


Nakita niya ang pagkagulat sa mukha ng ama nang bigkasin niya ang salitang panaginip sa harap nito. Pero ang sinabi lang nito matapos makabawi: Concentrate on your SET. Hindi siya sanay na nakikipagtalo sa ama. Pero hindi siya makapaniwalang hindi na nito naaalalang magkasama sila nang una niyang narinig ang salitang iyon na sinabi ng isang matangkad na lalaki (o babae? Help me remember, Dad! He, or she… was wearing blue, right? Dad, please!). Hindi rin siya maaaring magkamali na iyon din ang salitang narinig niya sa ama nang sinundang gabi (I was tired, pero hindi ako inaantok nun, dad!). Pero wala na nga ngayon ang pagkagulat kanina sa mukha ng kanyang ama: Concentrate on your SET. Iniwan siya nitong mag-isa sa silid. Iniiwasan siya. Nararamdaman niya, iniiwasan nitong pag-usapan nila ang tungkol sa panaginip. Susunod na sana siya palabas ng kuwarto nang makatawag ng pansin sa kanya ang isa sa information chips (IC) na nasa desk-library ng ama. Naramdaman n’ya ulit ang kaba na pumasok sa kanya nang marinig niya ang salitang panaginip sa kanyang ama kagabi. Kinuha niya ang chip at inayos ang ibang ICs para hindi mahalatang may nawala. Malakas ang pakiramdam niyang may kinalaman ito sa gusto niyang malaman. Isinilid niya ang chip sa secret pocket ng kaniyang suit. Imposibleng inimbento rin ng ama niya ang pangalan ng IC na ito. Erick.


2003.02.23.2202.

>> ayoko na sanang patulan si freud. pero kung walang masabi sa akin ‘yung mga bestseller sa national, naisip kong baka kailangan ko ngang bumalik sa isang classic text. the interpretation of dreams. hiniram ko kanina sa lib. sinimulan kong basahin. kapag nalaman ito ni dennis, tiyak na sasabihin niyang nababaliw na talaga ako. at igigiit n’ya na naman: mag-shift ka na rin kasi sa lit

>> dahil nakakubabaw nga ‘yung teorya ni freud sa psychoanalysis, nababalot ito ng mga usapin tungkol sa represyon. repressed wishes. repressed desires.

>> naaalala ko na naman nung bata pa ako. kapag tinatanong ako kung anong gusto kong gawin, ang sinasabi ko, manghula. hindi ko alam kung paano ko malalaman ang mangyayari sa hinaharap, basta ang alam ko, kaya kong bumuo ng puwedeng mangyari. kaya kong mag-imbento. bata pa ako, gusto ko nang magkuwento. mahilig akong mag-imbento ng kuwento, ng puwedeng mangyari, kahit sa sarili ko lang. hindi ko pa alam noon na mayroon palang mga nagsusulat talaga ng kuwento. nasa grade school na ako nang nagsimula akong mahilig magbasa. lalong yumaman ‘yung mga mundo na nililikha ko. maaga nga akong nahumaling sa salita. pero halos kasabay noon, nalaman kong halos kabaliwan nga itong gusto kong gawin. pamilya ng mga arkitekto sina papa. pero hindi mga totoong bahay o gusali ang gusto kong itayo. hanggang ngayon, nahihirapan pa rin akong magguhit ng mga plano. may problema ako sa espasyo. sa mga sukat. naiinis ako sa kinakailangang katiyakan ng mga haba, lawak at taas ng mga bagay.

>> binitiwan ko na ‘yung aklat ni freud bago ako maluom nang tuluyan sa mga kategorya na magkakahon din pala, imbes na magpalaya sa akin. tsk, alam ko na ang ihihirit ni dennis dito: sa philo ka na lang kaya mag-shift?


Project Code Name: EYOD. Kinakabahan siya. Tiyak na mapapagalitan siya ng ama kapag nalaman nitong binuksan niya ang Erick IC. Bahala na. Halos tatlong oras siyang nakatanghod sa projector ng kanyang IC habang pinapanood ang paglabas ng mga detalye mula sa chip. Hindi siya makapaniwala sa mga natuklasan.

Tama nga siya. Labing-isang taon na ang nakararaan, nakita ng kanyang ama ang isang lalaking dating nagtrabaho rin sa MPD. Tinanggal ito sa division nang matuklasan nito ang isang penomenon na laganap sa mga sinaunang tao. Panaginip. Nagtatrabaho na noon sa MPD ang kanyang ama kaya naging magkaibigan ang dalawa. May masasamang hinala na ang lalaki tungkol sa Sistema, pero sinarili niya ito. Nang tanggalin siya sa trabaho, kinailangan niyang hingin ang tulong ng kaibigan para maipagpatuloy ang pananaliksik.

Naging interesado rin naman ang kanyang ama ukol sa misteryo ng pagkawala ng panaginip sa tao. Labing-isang taon ng pag-aaral at marami-rami na rin silang natuklasan. Nalaman nilang ang lahat ng may kinalaman sa alaala ay binubura ng Sistema (hinala nila’y ito, ang pagbubura ng alaala, at hindi ang pagpapatalas ng intelligences, ang pangunahing trabaho ng intelligence trainors) sa tao. 

Naging napakasakit sa kanyang ama nang matuklasang isang malaking façade lamang ang kinabibilangan nitong division. Sa ilang taon ng pagtatrabaho para rito, ilusyon lamang pala kahit ang mga pananaliksik na ginagawa nila. Hindi talaga sila aktibo bilang mga indibidwal. Kontrolado na ng Sistema maging ang kalalabasan ng mga eksperimento bago pa man ibigay sa kanila ang proyekto. Wala talagang trabaho. Wala talagang kailangang gawin. May sarili nang kaayusan ang Sistema. Naitakda na nito ang mga hanggahan ng maaari nilang malaman. Pero nakalusot nga ang panaginip.

Mula noon, naunawaan ng kanyang ama kung gaano kapersonal ang panaginip. Napakaindibidwal nito—kaya sa maraming pagkakataon, kahit ang mismong tao na nakararanas nito ay walang kontrol dito. Noon niya natuklasan ang salitang “pangarap.” Natuklasan niya kung paanong sa isang sinaunang wika ng isa sa mga nalansag na teritoryo bago nangibabaw ang Sistema, iisa lamang ang salita para sa panaginip at pangarap. Kaya naman pinipi ng Sistema ang panaginip nang matuklasang kung magagawa nitong pigilin ang panaginip bilang manipestasyon ng kinipkip na pagnanasa at hangarin, ng mga pangarap, ng isang indibidwal, wala siyang kinabukasan. Maaari mo na siyang angkinin. Maaari mo na siyang mapasunod. Ngayon, paano kung lahat ng tao ay kaya mong kontrolin ang panaginip? Walang mangangarap. Walang lunsaran ang mga napiping pagnanasa. Mawawalan na ng halaga sa bawat tao kung ano ang gusto niya (dahil hindi nga niya alam na mayroon pala siyang mga personal na ninanasa). Kaya naman Sistema ang nagtatakda ng bokasyon. 

Noong una, lahat ng ito’y haka lamang. Ititigil na sana ng lalaki ang kanyang mga pagdududa sa Sistema kung hindi nasagap ng kanyang IC ang texts na nakasulat sa wika ng isa sa mga sinaunang teritoryo. Nang sinubukan niyang i-decode, natuklasan niyang tungkol ito sa panaginip, at dream journal ng isang nagngangalang Erick. Noon nila inilunsad ang Project: EYOD, matapos mabuo ang code para makapasok at makapagpadala ng datos sa tinatawag na internet ng mga sinaunang tao. Malakas na ang hinala nila noon na hindi isang artifact ang nakuhang texts. Hindi flat ang mundo. Imposibleng linear talaga ang panahon. Kagaya sa daigdig ng panaginip, maaaring sabay-sabay na nagaganap ang inaakala natin ngayong nakaraan, kasalukuyan at hinaharap. Nagsasanib ang tatlo dahil malaya sila sa isa’t isa. 

Sinubukan nga ng ama niyang magpadala ng paanyaya kay Erick para sa isang diyalogo. Matapos ang ilang buwan lang na paghihintay, natagpuan nila ni Erick ang isa’t isa. 


2003.02.27.2203.

>> nagse-surf ako sa internet kanina nang sinubukan kong kulitin ang sarili ko. pumunta ako sa google. search query: dream interpretation. 7,118 matches. nabisita ko na ang karamihan sa kanila dati. pagdating ko 18th match sa ikalawang set ng search results, nakatawag ng pansin sa akin ang isang bagong website. http://www.enteryourowndream.com. mabuti’t wala na akong klase. libreng dream consultation. isa raw mind specialist ang webmaster. okey na rin ito. nagsasawa na rin ako sa paulit-ulit na sinasabi ni doc fer. kahit na ba hindi ko kilala ang sumasagot nito. katuwaan lang. itinype ko ang panaginip ko. makukuha ko raw ang tugon mula sa isang mind processes expert makalipas ang 20 oras.

>> sci-fi din ang pa-effect nung site. wala ang repre-represyon na argumento ni freud. dito, hindi lang basta ibang mundo ang panaginip sa loob ng utak ng isang tao. bagkus, isa talaga itong mundo. naalala ko ang panghuhula ko dati. at ‘yung mga pagbubuo ko ng ibang mga mundo sa kuwento. okey na naman sanang materyal ito, kung tutuusin.

>> marami pang hinahamon ang site: hindi linear ang panahon. kaya ‘yung mga nangyari, puwedeng balikan. o lahat ng puwedeng mangyari sa buhay ng isang tao, maaaring mangyari nang sabay-sabay. walang lohika ang oras. o may sarili itong lohika. kagaya nga sa mundo ng panaginip. iisa ang batas sa panaginip at ang batas sa mundo natin ngayon. ‘yun nga lang, kagaya sa mundo sa panaginip, hindi tayo malay sa kanila. hindi natin malalaman kung bakit kinakailangang mangyari ito, o kung ano-ano ba talaga ang mga nangyayari.


Nabasa niya ang texts ng dream journal ni Erick mula nang magsimula itong managinip ukol sa mundo nila. Hindi siya makapaniwala ngayon na may isang totoong taong Erick ang pangalan. Pakiramdam niya, may hindi sinabi ang lalaki sa ama niya nang ibinigay nito ang chip. Maaari kayang projected kay Erick ang mga panaginip nito na parang isang programa na ipinasok ng lalaki sa utak ng binata? Kung hindi, paano magagawang pasukin ng panaginip ni Erick ang mundo nila? 

Pero ano ba ang alam ko tungkol sa panaginip? Habang binabasa niya ang decoded entries ni Erick ay nakaramdam siya, sa unang pagkakataon, ng isang bagay na gusto niyang mangyari. Kailangan kong managinip. At kailangan kong makagawa ng paraan upang maalala ang panaginip na iyon. Alam niya, ang paraang iyon ang pilit na tinutuklas ng kanyang ama sa loob ng labing-isang taon. Oras na matuklasan ng tao ang panaginip, oras na malaman nilang maaari silang managinip, makalalaya sila sa Sistema. Pero handa ba silang iwan ang kaayusan ng Sistema kapalit ng kawalang-lohika ng panaginip? Na kagaya ng pangarap ay madalas na lumalampas sa realidad at mga posibilidad? Naalala niya ang SET na kailangan niyang ipagpatuloy. Naalala rin niya ang huling sinabi sa kanya ng ama: Concentrate on your SET. Naunawaan na niya ito ngayon. Alam niya kung gaano kapanganib ang masangkot sa proyektong iyon. Concentrate on your SET. Pero anong uri ng hinaharap ang maaari niyang angkinin kung ito ang pagtutuunan niya? Sa unang pagkakataon din, naramdaman niyang nakabuo siya ng sariling pasya. 


2003.02.04.2204.

>> binalikan ko ang website kanina. pero hindi ko maintindihan ang nakasulat. enter your dream and help me get our dreams back. kir-e. mukhang wala lang magawa ang webmaster ng site. kahit paano, umasa akong totoo iyung mind specialist. o gagawa talaga ng interpretasyon, kahit na ba imbento lang, ang kung sinumang may pakulo nung site. magla-log out na sana ako nang makita ko ulit ‘yung mga nakasulat sa homepage nito. bilog ang mundo. imposibleng linear ang panahon. nasayang na lang din ang oras ko, nakipaglokohan na ako. nag-iwan ulit ako ng message: if you want to retrieve your dreams, go back to the time when you had it.

>> tsk, imbes na kung anu-ano itong kinalolokohan ko, baka kailangan ko na ngang makipagkita ulit kay doc fer bukas.


Iminulat niya ang kanyang mga mata. Pakiramdam niya, may nangyari habang natutulog siya kanina. Hindi niya maintindihan. Masakit ang ulo niya. At parang kinakabahan siya. Inireset niya ang kaniyang ABC. Labing-isang oras lamang siyang natulog pero parang napakatagal. Binati siya ng kanyang IC: Good morning and happy seventh birthday, Kir-e! Oo nga pala. Masigla siyang lumabas ng kuwarto. Mamamasyal sila ng dad niya ngayon. Wala siyang kamalay-malay na sa araw na iyon, sa kauna-unahang pagkakataon, ay maririnig niya ang salitang panaginip. 

(This story won the Palanca Awards in 2003 and was published in my short story collection Alternatibo sa Alternatibong Mundo: 13 Metakuwento/Malakuwento, published by Visprint in 2016. The book was a finalist to the National Book Award in 2017 for Best Fiction Anthology. Go to BOOKS to see all my books. If you want to include this story in your textbook or anthology, kindly contact me to ask for permission. Art work above is by Sean Sonsona.)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s