TALA

Matagal na pinaghandaan ni Janus ang laban na ito. Pinakamalaking tournament ng TALA Online sa bayan ng Balanga. Bawal manood ang hindi kasali. Walang miron. Seryoso ang laban. Ipadadala umano ng Malakas Internet Shop ang mananalo sa major tournament sa Maynila na 50K ang premyo. Naplano na ni Janus ang pagkakagastusan ng pera kapag nanalo siya. Mountain bike at bagong cellphone. Ibibili rin niya ng damit ang Papa niya. Pabango para sa Mama niya. At si Juno, ang anim na taon niyang kapatid, ibibili niya ng PSP. Tapos, yayayain niyang mag-Enchanted Kingdom si Mica. Pipilitin niyang makapanalo ng teddy bear tapos e didiskarte siya ng kiss dito. ‘Yung totoong kiss. Hindi ‘yung smack na ibinigay nito nung nag-field trip sila. 

Ang hindi naisip ni Janus, bago matapos ang gabing ito, mamamatay ang mga kalaban niya. Hindi sa laro lang. Totoong mamamatay. Mamamatay na parang tinuklaw ng ahas. Parang tinamaan ng kidlat. O parang nilunod ng Berberoka sa hangin o sinipsip ng Sigbin ang dugo sa mga anino nila, tulad ng sa TALA kapag hindi nalampasan ang Level 4 o Level 5. 

Nakaupo’t nakaharap pa rin sa mga computer ang lima niyang kalaro, pero madilim at malalim na balon ang dalawang mata ng bawat isa sa mga ito. Dilat na dilat pero wala nang alaala roon ng huling nakita. Sa liwanag ng monitor ng mga computer, pare-parehong hindi na humihinga, at may bitak ang mga balát sa mukha’t braso na parang lupang dinaanan ng lindol o ng mahabang tag-init. Wala nang ibang tao sa Malakas. Kung bakit nawala kahit ang mga nagbabantay. Nasaan na si Boss Serj na may pakana ng lahat ng ito?   

Hinawakan niya ang braso ni Harold, ang nasa kanan niya, na siya ring unang nagturo sa kaniya ng TALA. Terra Anima Legion of Anitos. Naalala niya ang unang lesson nito noon, noong sa DOTA pa adik na adik si Janus: “Tol, mas magandang sugod lang nang sugod. Mas madaling magregenerate ang unang mahi-hit, tapos, pag di pa tinamaan, ikaw ang makakakuha ng best weapon, o kung sinusuwerte ka, anito boost, ‘tol. Extra life.” Akala mo e kung sinong eksperto pero nauna lang naman ng dalawang linggo sa paglalaro sa kaniya. Nalaman din ni Janus na niloloko lang siya nito. Pagtagal-tagal, natutuhan niyang mas magandang mag-ingat, makiramdam muna. Kailangan mong pag-aralan ang galaw ng kalaban. Higit pa roon, kailangan mong hulaan ang magiging galaw ng kalaban. Hindi ito sprint. Hindi 100-meter dash. Hindi puwedeng tira nang tira.

Strategy game ang TALA. Dalawa ang kalaban dito. Una, ang computer-generated na Legion of the Soulless na iba’t ibang nilalang ng dilim sa mga mito’t kuwentong bayan at kahit sa ilang urban legend. Iba-iba ang pakana ng bawat isa para pigilin ka sa paglampas sa isang level. Ikalawa, siyempre, ang mga kapwa mo gamer na bumuo ng sari-sarili nilang Bayani at Anito na nakikipag-unahan sa iyong matagpuan si Tala, ang Bathaluman ng Liwanag. Isa lang ang mauunang makatagpo kay Tala. Komplikado ito dahil kahit kalaban mo sila, katulong at kasangga mo sila sa paglaban sa mga Soulless, hangga’t di kayo nakararating sa dulo. 

Hindi birong magbuo ng sariling Bayani na may sarili nitong Anito. Parang kaluluwang anino na may sarili niyang buhay at hitsura ang Anito. Kahit namatay na ang Bayani, puwede itong mabuhay ulit kung buhay pa ang Anito nito. Naisasalin ang lakas ng Anito sa Bayani. Pero kapag ang Anito ang namatay, nagiging bahagi ng Legion of the Soulless ang Bayani at mabubura na ang kasaysayan nito sa buong network ng TALA. Madaragdagan naman ang kampon ng Legion. Kailangan mong magsimula ulit sa simula. 

Sa tindi ng game design ng TALA, halos imposibleng maduplicate ang BAT (Bayani-Anito Tandem) ng isang player. Importante sa BAT ang pinagdadaanan nito. Kaya ang parehong BAT, kapag inulit ang level na nalampasan na ay may taglay nang kaalaman at kasanayan na hindi niya dala nung una siyang dumaan dito. Hindi ang player lang ang may alam, kaya mas madali niyang nalalampasan ang dati nang nadaanang level tulad sa ibang laro, kundi ang BAT mismo. May rekognisyon ang BAT sa mga bagay at detalye na puwedeng nalimot o ni hindi napansin ng mismong naglalaro. 

Nang iwan ang pagdo-DOTA upang subuking mag-TALA, hindi na nakaalis si Janus doon. Tumindi pa lalo ang adiksiyon niya sa paglalaro. Nasundan naman ang marami pang panloloko ni Harold, lalo pa nang matuklasan nitong mabilis mag-develop ang BAT ni Janus, madiskarte’t ilang araw pa lang ay naaabot na ang level na ilang linggo bago naabot ng BAT ni Harold. Ngayon, gustong tiyakin ni Janus na hindi siya binibiro lang ng mga ito. Na hindi ito isang malaking joke time na naman tulad noong akala niya’y totoong natapos na nila ang TALA nang malampasan nila ang pagkahirap-hirap na Level 6 at matalo niya ang Dambuhalang Sarangay, ang halimaw na may katawan ng tao at may ulo ng toro. Nanginginig-nginig pa siya noon habang sigaw nang sigaw at mura nang mura. Naghintay siya sa paglitaw ni Tala. Pagkatapos, napansin niyang siya pala ang pinagtatawanan nina Harold nang lumitaw sa screen ang anunsiyo para sa pagsisimula ng Level 7. Magkahalong inis at pagkasabik ang nadama niya. Sa isang banda, ayaw rin niyang matapos doon lang ang TALA. Gusto pa niyang sukatin nito ang kakayahan at diskarte niya. Mula noon, hindi na siya basta-basta nagpapadala sa anumang sinasabi ni Harold o ng kung sinomang kalaro niya rito. Tiyak na puro kalokohan na naman iyon.

Pero ngayon nga, ano na naman itong pakana nina Harold? At mukhang kasabwat pa sina Boss Serj. Noong una’y nakiramdam pa siya. Pero wala talagang gumagalaw sa mga ito. At paano nagkaroon ng bitak sa mukha’t braso ng mga ito? Kinilabutan si Janus. Pagkahawak nga niya kay Harold, parang malutong na lumang papel na napulbos at naiwan sa palad niya ang bahagi ng braso nito. Walang dugo, walang buto. 

Biglang parang sinundot ng dilang-karayom ng Manananggal ang sentro ng puso niya. Ang Manananggal na katambal ng Mambabarang sa Level 2 ng TALA. Napahawak siya sa USB na pendant ng kuwintas na regalo ni Mica. Tang-ina ang unang lumabas sa bibig niya matapos ang malalim na paghinga. Ipinagpag niya ang kamay sa shorts niya. Mura siya nang mura nang mahina habang naiisip na braso ni Harold ang pinapagpag niya. 

Naroon pa rin ang dilang-karayom ng Manananggal sa puso niya nang dahan-dahan niyang itinulak ang pinto palabas ng Malakas. Lumingon siya bago tuluyang lumabas. Nakita niyang nahulog ang isa pang braso ni Harold. Pumait ang laway ni Janus. Para siyang masusuka.

Malamig ang hangin. Mamasa-masa ang lupa dahil sa mahinang ambon kaninang babago silang dating sa Malakas. Akala nga nila’y bubuhos ang ulan. Pero makakapal pa rin ang ulap hanggang ngayon. Nagbabadyang bumuhos anumang oras. Walang buwan.

Wala ring dumadaang tricycle o dyip sa kalsada. Wala kahit mga pribadong sasakyan. Pasado alas-nuwebe pa lang ng gabi. Noon niya napansing nanginginig ang kamay niya. Sarado na ang hardware sa tapat ng Malakas. Kahit ang katabi nitong bakery. Bukás pa rin ang sari-sari store na binibilhan nila ng softdrinks at hopia kapag nagkakapuyatan. Lalo pa pag inaabot ng umaga noon sa pagdo-DOTA, o nito ngang nagdaang anim na buwan, sa pagta-TALA. Sa tindahang ito siya natutong magyosi. Lalo pa pag may ekstrang pera dahil nanalo sa pustahan. Pagyoyosi na––siyempre––hindi alam ng Mama at Papa niya. Mabubugbog siya ng Papa niya pag nalaman. Noon ngang nahuli siya nitong nakiinom, inalok lang siya, at ng mga tito pa niya, at dalawang bote lang ng SanMig Light, tinawag na siyang lasenggero, sabay hataw ng nakasabit na kawali sa puwit niya. Iyon kasi ang pinakamalapit na nadampot nito nang datnan siyang nagsusuka sa lababo. Kung bakit kasi nasuka siya sa dalawang SanMig Light. Pag nalaman nitong nagyoyosi siya, tiyak na ang tingin naman nito sa kaniya e adik na. OA rin kasi ang Papa niya minsan. 

Mukhang walang tao sa sari-sari store. May ilaw pero wala siyang maaninaw na taong nagbabantay. Wala si Aling Mila. O ang anak nitong dalagita. Hindi na siya lumapit. Wala dapat makakita sa kaniya. Nasa’n ba si Boss Serj? Tang-ina, ano ba ‘to?

Tinext niya si Mica. GCING KP? 

Habang naglalakad papunta sa kanto, pinakikiramdaman niyang mag-vibrate ang cellphone sa bulsa ng shorts niya. Narating niya ang malaking puno ng mangga sa rotunda, wala pa ring text. Walang ibang nag-aabang ng traysikel. 

Nag-text siya ulit. MICA? 

Baka walang load. Imposibleng tulog na ito nang ganitong oras. May dumaraan nang traysikel, paisa-isa, pero puro may sakay. 

Sa ilalim ng punong mangga, tanaw niya ang simbahan ng Balanga. Agosto na pero naroon pa rin at kumikindat-kindat ang christmas lights sa bakod at gate nito. Magbe-ber months na naman, baka hinihintay na ulit ang Pasko. May belen pa rin makapasok sa patyo na tadtad din ng christmas lights. Mas maningning ngayong gabing walang buwan. Wala nang taong naglalakad-lakad lang sa loob. Gusto sana niyang tawagan si Mica pero wala na siyang pantawag. Bakit ba walang dumaraan na traysikel na maghahatid sa kaniya sa Atísan? 

Paglinga-linga, noon lang niya napansin ang matandang nakaupo sa sementadong upuan sa kabilang bahagi ng mangga. Sa likuran niya. Nakatalikod sa simbahan. Si Bungisngis. Ang totoo, lagi naman talagang naroon ang matanda, hindi lang niya pinapansin noon. Parang aninong naroon pero walang sariling buhay. Ang tropa lang nila ang tumatawag ditong Bungisngis, tulad ng halimaw na kalaban sa Level 3. Higante’t bulag ang isang mata, at tawa nang tawa. Kapag hindi napigilan ang pagtawa nito, gumuguho ang mga bato’t lupa sa paligid, dumadaluyong ang alon, nanghihina ang Bayani’t kahit ang Anito e apektado. Hindi naman bulag si Bungisngis na laging nakatambay sa puno ng mangga, lalo pa pag gabi. Nakatambay, dahil hindi nila ito nakikitang nakahiga’t natutulog sa sementadong upuan sa ilalim ng puno kahit minsan. Pinagtalunan na rin nila kung may inuuwian ba itong bahay o pamilya. Hindi rin kasi ito madungis na madungis tulad ng karaniwang taong grasa. “Semi-taong grasa lang,” biro ni Harold minsan. Kapag sinubukan itong lapitan o kausapin, tatawanan ka lang. Tawang sa simula, mapapatawa ka rin hanggang sa mapansin mong ang tumatawa lang dito e iyung bibig, pero kapag tiningnan mo iyung mga mata niya, parang may sinasabi sa iyo. Parang sinasabing humanda ka kapag mag-isa ka lang, kapag hindi mo kasama ang kabarkada mo, tingnan natin kung makatawa ka. Kinilabutan si Janus nang maaalala iyon. Iyung makukulit nilang kabarkada, kapag nagkakatuwaan, binabato ito ng candy. Hindi ito umiilag. Kapag tinamaan sa balikat o sa pisngi o sa noo, tumatawa lang ito. Pagkatapos, dadamputin ang candy, babalatan at saka isusubo. Tapos tatawa lang ulit nang tatawa. 

Hindi tumatawa ngayon si Bungisngis. Nakaupo lang, nakaharap sa kanto papasok sa Villa Concepcion, kung saan nakatira si Harold. Hindi personal na kakilala ni Janus ang apat na iba pang kalaban niya ngayong gabi. Namumukhaan lang niya’t nakikita sa paglalaro paminsan-minsan, pero hindi niya kaeskuwela at hindi kabaranggay. Alam niyang tagabayan ang dalawa sa mga ito dahil naglalakad lang pauwi mula sa Malakas sa direksiyon palayo sa rotunda sa may punong mangga. Nilapitan niya sa Bungisngis. Tumingin ito sa direksiyon niya, walang kangiti-ngiti, pagkatapos ay tumingin ulit sa direksiyon ng Concepcion. May liwanag ng ilaw sa poste papasok ng subdivision. Pero walang naglalakad papasok o palabas. Walang lumalabas o pumapasok na tricycle. Naisip ni Janus kung gising pa kaya ang mga magulang ni Harold. Kung ano kayang ginagawa ng mga ito ngayon. Naramdaman niya ang kirot na dulot ng dilang-karayom ng Manananggal sa puso niya. Halos awtomatiko rin ang paghawak niya sa USB ng kuwintas niya at idiniin iyon sa dibdib niya. Bahagyang nawala ang kirot sa loob niya.

Apat na sunod-sunod na gabi ang elimination. Kahit anong batch ka kasama, basta’t nasa top 6 overall, kasali sa finals. Sabay rin silang nag-sign-up ni Harold. May 50 pesos na registration fee, bukod pa sa per hour na renta sa computer na kinse pesos. Maaaring umabot nang hanggang apat o lima o anim na oras ang laro, depende sa pinakamalakas sa kanila. Hindi puwedeng panoorin ang laro ng ibang batch. Kahit sa elimination pa lang, bawal na ang miron. Na pangkaraniwan lang sa TALA. Dahil nga strategy game ito, mas gusto mong walang makakita ng diskarte mo. Ang tuturuan mo lang siyempre, ang katropa mo, ang kaibigan mo. Sa puntong ito, mas malakas na ang BAT ni Janus kaysa kay Harold. Nakakaabot na siya sa Level 8. Sa pagkakaalam niya, siya pa lang ang naglalaro sa Malakas na nakaabot sa Level 8. Wala pang nakakaabot sa Level 9. Walang nakaaalam kung hanggang ilang level meron ang TALA. Hindi ito inilalagay sa info ng game releases nito. Wala kahit sa reviews sa magazines o online. May mga nagpo-post sa mga forum site na adik-adik sa TALA na nakaabot na umano sila sa Level 9. May nakaabot pa hanggang Level 11. May screen capture pa bilang patunay na ipino-post nila sa mga forum site o sa Facebook. Pero dahil maraming nagpo-post ng kaparehong pagyayabang at hindi nagtutugma ang mga sinasabi nila’t iniimbentong mga larawan tungkol sa mga level na sinasabi nilang napuntahan nila kaya lalong mahirap paniwalaan na may nagsasabi sa kanila ng totoo. 

Nauna siyang nahumaling sa DOTA, tulad ng mga kaklase niya’t katropa sa baryo nila sa Atísan. Noong una’y ayaw niyang lumipat sa paglalaro ng TALA, lalo pa dahil wala siyang makalaban. Isa pa, nakokornihan siya nung una nang malamang mga Pinoy ang designer ng game. Pero nang nagsimulang magsilipat dito ang mga master ng DOTA, naintriga siya. Pagkatapos, nalaman niyang hindi na lang pala sa Pilipinas ito nilalaro, unti-unti na itong nakikilala sa ibang bansa. Noong una’y ng mga Pinoy na nasa ibang bansa––karamihan ay sa US, sa Canada, sa Italy. Pagkatapos, nilalaro na rin ng mga Asyanong walang dugong Pinoy. Indonesian, Thai, Japanese, Korean. Hanggang nang ma-feature ito sa Games Master sa UK at kinabaliwan ng mga Europeo––mga kabataang Ingles, Irish, kahit French at German. Marami-rami ring nasa twenties at thirties na naadik sa laro. Noon na nagsimulang pansinin ito ng US. Cover story ito sa isang issue ng Game Informer. Ang nakalagay sa cover: “The eternal search for TALA.” 

Noong una’y barangay level lang, hanggang sa dumadayo na sila sa bayan mismo sa paglalaro. Isang sakay lang naman ng traysikel. Pag inumaga siya’y hindi na naman mahalaga kung saan siya nag-TALA. Kapag gising pa ang Papa niya, tiyak na hindi na naman siya pagbubuksan nito at hahayaan siyang lamukin sa garahe nilang walang nakagaraheng sasakyan, pero puro spare parts at baterya ng kotse na naiuwi ng Papa niya sa pagmemekaniko sa mga may sasakyan sa Atisan at sa ibang malalapit na lugar. Sa Papa niya siya natutong magkalikot ng mga bagay. Butingting dito, butingting doon. Kalas dito, kalas doon. Kapag hindi niya maibalik sa dati, saka niya tatawagin ang Papa niya. Na sesermunan muna siya nang katakot-takot bago buuin ulit ang bike, o lumang discman, o ‘yung talagang ikinagalit ng Papa niya, ‘yung lumang radyo na hindi na naman talaga gumagana pero namana pa raw kasi nito sa lolo nito. Mukhang kahon lang na may dalawang pihitan sa ibabaw. Dito raw ito unang nakinig ng mga balita noon. “Papasukin mo na,” naririnig niyang sinasabi ng Mama niya, habang tampal siya nang tampal sa braso niyang pinagpipistahan ng mga lamok sa garahe. Pero matigas ang Papa niya. Hindi nito bubuksan ang pinto hangga’t di sumisikat ang araw.

Kaya isang araw, talagang nagpaumaga na lang siya sa computer shop. Na hindi na niya inulit dahil pinuntahan siya ng Papa niya mismo sa shop bago pa man sumikat ang araw. Hindi na nito kailangang magsalita. Pagkakitang-pagkakita ni Janus na ito ang pumasok nang bumukas ang pintuan ng Malakas, tumindig siya agad at umuwi. Nagkataong may dumadaang tricycle pagkalabas niya ng shop, pinara niya at nagpahatid siya sa Atisan nang hindi na hinintay na makasakay rin ang Papa niya. Pagdating niya sa bahay, hindi rin siya binati man lang ng Mama niya. Nagwawalis ito ng bahay, nakahanda na ang umagahan sa mesa. Sinangag, pritong tapa. May nakatimpla nang kape sa tasa ng Papa niya. Pagpasok ng Papa niya, isinara nito ang pinto ng bahay. Napatigil sa pagwawalis ang Mama niya. Nilapitan siya ng Papa niya, nakatayo siya noon sa tapat ng lababo, at saka siya sinampal nito sa pisngi nang pagkalakas-lakas. Isang beses lang pero napaiyak siya. Inis na inis sa sarili si Janus kung bakit siya napaiyak noon. Halos isumpa niya ang spot na iyon malapit sa lababo nila.

Mula noon, nagpa-good shot siya. Nagta-TALA pa rin siya pero hindi na siya nagpapaabot ng hatinggabi. Hangga’t kaya niya, umuuwi siya nang alas-diyes. Halos isang linggo siyang hindi inimikan man lang ng Papa niya. Ang Mama naman niya, walang binabanggit na kahit ano tungkol dito na parang hindi nangyari ang pagpapaumaga niya sa labas at ang pananampal ng Papa niya. Hindi niya ikinukuwento sa tropa niya sa school at sa shop na sinasaktan siya ng Papa niya. Cool ang Papa niya sa kuwento niya sa mga ito. Kayang gawin nito lahat. Lahat, kaya nitong kalikutin at kumpunihin. Sa Atisan, sa kanila dinadala ang lahat ng nasisira, mula sa tricycle hanggang kotse, mula gasul hanggang washing machine. Bago isauli ng Papa niya, maayos na ulit. Nagagamit na naman.

Sinundan ni Janus ang tingin ni Bungisngis. Ano ang nakikita nito sa daan papasok sa Concepcion? Ano ang nakikita nito sa pagyayakap ng dilim at ng liwanag ng poste? Walang makita si Janus, pero naaalala niya ang lalim at dilim sa mga mata ni Harold bago niya hinawakan ang braso nito. Bakit niya iniwan ang mga ito?

Tang-ina, sabi niya sa sarili, panaginip lang ‘to. Panaginip lang ‘to. Panaginip lang ‘to. Pero ayaw mawala sa alaala niya ang napulbos na braso ng kaibigan sa palad niya. Hindi nito kinailangang pilitin siyang magparehistro sila para sa tournament. Ito ang kauna-unahang pinakamalaking tournament ng TALA sa bayan. Initiated ng Malakas, na isa sa pinakamalaki at maayos na internet shop sa Balanga. Mabilis ang internet, hindi nagla-lag, bihirang mag-restart ang laro, at mas mura ang per hour kompara sa ibang shop na mas maliit at kakaunti ang unit.  

Na-assign sila ni Harold sa ikatlong batch, na ginanap nung ikalawang gabi ng tournament elimination. Martes iyon, dahil naalala niyang naka-P.E. uniform siya sa school kinabukasan nang ipinagmamayabang niya sa mga kaklase na siya ang nag-top sa batch nila. Tulad ng inaasahan, siya lang ang nakaabot sa Level 8. Si Harold, naka-Level 7. Limampu’t apat silang naglaro, dahil 54 ang computers sa Malakas para sa sabay-sabay na nagrerenta. Puno. Pero hindi si Janus ang bumida sa laro, kundi iyung isa nilang kasabay na Level 1 pa lang e namatayan na ng Anito. Kantiyawang katakot-takot. Dinadaan sa biro nung kumag, pero alam nilang lahat na asar na asar din ito sa sarili. Isang maling hakbang ng Anito’t nahulog ito sa patibong ng Tiyanak. 

Komplikado ang Level 1, lalo pa kung hindi ka pa nakapaglalaro ng TALA. Kailangan mong i-sync ang galaw ng iyong BAT. Hindi maaaring masyadong malayo ang Bayani sa Anito. Naroon ang Tiyanak sa bawat galaw mo, lilituhin ka, lilinlangin, ililigaw. Iba ang lohika ng maraming desisyon na kailangang gawin sa TALA. Hindi ito kagaya ng ibang laro na basta kailangan mo lang patayin nang patayin ang bawat kalabang makasalubong sa daan. Hindi ito kagaya ng iba na kailangan mo lang magpalakas nang magpalakas, magparami ng armas, magparami ng pananggalang. Sa TALA, importante ang mga desisyon, ang mga pagpili na kailangang gawin. Halimbawa, nang binuo ni Janus ang BAT niya, kailangan niyang magpasya kung ang Bayani niya ay Bagáni o Púsong. 

Mandirigma ang Bagáni, mahusay na tagapagtanggol ng bayan. Matapang, malakas, magaling gumamit ng mga sandata. Samantala, palaisip ang Púsong, mahusay na pilosopo ng bayan. Marunong, maliksi, magaling magplano ng bawat hakbang. Hindi tulad ni Harold, Púsong ang pinili ni Janus. Bibihira pa ang gumagamit ng Púsong sa mga naglalaro sa Malakas, sa pagkakaalam niya. Marami sa mga pumipili ng Púsong bilang Bayani, hindi nagtatagal, pinakamalayo na umano ang Level 3. Hindi matalo ng galaw ng Púsong nila ang halakhak ng Bungisngis sa level na iyon. 

“Nasa Malakas ka,” sasabihin nina Harold noon. “Dito, ang Bayani e Bagáni. Doon ka maglaro sa Rainbow!” Sabay tawanan. Rainbow Network ang internet shop na mas tinatambayan ng mga babaeng teenager, para mag-FB, mag-chat, maglaro ng Fashion World, mag-Candy Crush, manood sa YouTube. Walang nagta-TALA na mahuhuling nag-iinternet sa Rainbow Network. 

Pero may ilang babaeng naglalaro ng TALA. 

Tulad ni Mica. Bakit ba hindi pa nagri-reply si Mica?

Sa isip-isip ni Janus, kung strategy game ang TALA, mas kakailanganin niya ang talas ng pag-iisip ng Púsong para makausad sa laro. Isa pa, mas gusto niya ang hitsura ng Púsong kaysa sa Bagáni. Gusto niyang tila laging nakangiti ito, parang ibig ipaalam sa kalaban na mayroon siyang iba pang alam at naiisip na hindi alam at hindi naiisip ng kalaban. Gusto rin niya na may kakayahan ang Púsong niya na mag-iba ng anyo bilang usa, kapag todo ang lakas nito at ng Anito nito. Hindi tulad ng aswang na kinakailangang pumatak ang dilim bago makapagbagong anyo, anumang sandali’y maaaring maging usa ang Púsong at maliksing tawirin ang mga daan basta’t makapangyarihan ang Anito nito. 

Pinangalanan ni Janus na juno-s06 ang Bayaning Púsong niya, sang-ayon sa pangalan ng nakababata niyang kapatid. Kapareho ng edad ngayon ni Juno ang edad niya noong ipanganak ito may pitong taon na ang nakakaraan. Wala na sa isip niya noon na magkakaroon pa siya ng kapatid. Pero nang dumating si Juno, sinabi niya sa sarili niya na magiging mabuti siyang kuya. Kapag pinapagalitan siya ng Mama nila o sinasaktan ng Papa nila, ang naiisip ni Janus e kung ano’ng iniisip ni Juno tungkol sa kaniya. Mas nahihiya siya sa bunsong kapatid.

Naramdaman ni Janus na nag-vibrate ang phone niya. Si Mica. 

“slr. ano meron?”

Ano nga bang meron? Biglang hindi alam ni Janus kung anong sasabihin kay Mica. Naglaro rin ito sa qualifying, noong isang gabi lang. Mahigit dalawang daan ang lahat-lahat ng nagparehistro. Hindi ito nakasama sa top 6. Tatlong gabi pa silang naghintay ni Harold bago nila nalaman ang final ranking.  Pang-15 si Mica. Nagtataka sila kung bakit anim lang ang kinuha para sa championship gayong 54 nga ang computers sa Malakas. Mas malaki sana ang pagkakataon nilang makalayo, makalapit sa kinaroroonan ni Tala, kung marami sila. Isa pa, puwedeng may hindi nakasama sa top 6 na minalas lang noong qualifying. Maling desisyon. Maling galaw.

“wla lng. gwa mo?”

Alam ni Mica na nasa Malakas siya dapat ngayon. Maaaring nalimutan nito. Maaaring nawala sa isip nito ngayong sandaling katext niya mismo, pero imposibleng hindi nito alam na magkasama sila ngayong gabi ni Harold para sa championship sa Malakas. Anong sasabihin niya rito? 

Biglang may tumigil na traysikel sa tapat niya. “Sa’n ka, boy?”

“Atisan,” sabi ni Janus. “Atisan lang, sa may chapel.” Iyon ang landmark malapit sa bahay nila. Wala na talagang regular na misa roon kahit linggo, dahil lahat ay sa parokya na nagsisimba. Ginagamit lang iyon kapag may padasal o kapag may prusisyon. Sa karaniwang araw, tambayan din iyon ng kabataan sa baranggay nila.

Tumango ang drayber. Tiningnan ni Janus bago siya sumakay sa loob. Hindi pamilyar ang mukha. Mukhang matanda lang sa kaniya ng apat o limang taon, nasa disiotso o disinuwebe lang. Hindi pa rin nagrereply si Mica. Nang magmaniobra ang traysikel palayo sa rotunda, saka napansin ni Janus na wala na si Bungisngis. Naisip niyang ang bilis namang nawala nito. Pero agad din niyang naisip na maraming ibang nangyari nang gabing iyon na mas dapat niyang ikagulat at pag-isipan. 

Naramdaman niya ulit na nanginginig ang kamay niya sa pagti-text kay Mica. “Gawa mo?” At naroon, sa sentro ng puso niya, ang dilang-karayom ng Manananggal, hinahalukay ang loob niya, ipinararamdam sa kaniya ang halo-halong emosyon, pinong-pinong sakit at takot, at hindi niya makapa kung nasaan ang dulo’t simula. 

Gusto niyang bumuhos ngayon na ang malakas na malakas na ulan na kanina pa nagbabanta.

Hindi pa rin nagpapakita ang buwan.

(This is the first chapter of Si Janus Sílang at ang Tiyanak ng Tábon, the first book of the Janus Sílang series, published by Adarna House in 2014. Go to BOOKS to see all my books. If you want to include this excerpt in your textbook or anthology, kindly contact me to ask for permission. Art work above is by Sean Sonsona.)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s