Pagkatha at Pagbabagong-Anyo

KINATATAKUTAN NATIN ang hindi kilala, ang hindi nauunawaan nang lubos, sinasaktan at kung maaari’y pinapaslang, samantalang kinakaibigan iyon at teritoryong ibig saliksikin at kilalanin pa ng tulad kong nagsusulat. Sa nobela kong Sa Kasunod ng 909, ikinuwento ng Tiyo Saling niya kay Norman ang una umano nitong engkuwentro sa isang manananggal:

Nakita ko mismo ang pagpatay sa isang manananggal. Tinugis ng mga lalaki sa baryo ang lumilipad na bahagi ng katawan niya, sinibat, pinana, binato, lahat ng maaaring makapagpabagsak dito sa lupa upang anila’y kainin ng mga aso ang lamanloob nito na binusog ng kamatayan ng mga kamag-anak nila. 

Samantala, hinanap naman ng mga babae at bata ang kalahati ng katawan na nakayapak sa lupa, nag-aabang sa pagbabalik ng kabiyak. Bitbit nila ang asin, abo, at lahat ng ayon sa matatanda ay makatutunaw sa katawan ng itinuring na halimaw. Isa ako sa mga batang hila ng kani-kanilang inang nakibudbod ng asin nang matagpuan ang kalahati ng katawan ng manananggal na nakatago sa gitna ng sagingan, hindi makatakbo sapagkat walang paningin na magtuturo ng susulingan. Nakita ko kung paanong umusok ang laman ng babae, gaya ng isang pinaglutuang kawali na biglang binuhusan ng malamig na tubig, at saka umalingasaw ang amoy ng sinusunog na bangkay. 

Hindi nalusaw ang katawan ng babae, subalit alam nilang maaagnas na ito sa paghihintay subalit di na magbabalik ang kabiyak ng katawan na nakahandusay na noon malapit sa ilog kung saan ito bumagsak, dalawang sibat mula sa magkaibang direksiyon ang nakatusok sa dibdib, wala nang pakpak, makinis nang muli ang balat—sa braso na inaagusan ng dugo, at sa pisngi na inaagusan naman ng luha. Pigil na pigil daw ang pag-iyak ng babae, at tiningnan lamang sila, tingin ng isang di-nakauunawa sa ginawa niyang kasalanan, gaya ng libu-libong pinaslang sa mahabang kasaysayan ng mga pagkakaiba at di-pagkakaunawaan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.

Naghuhunos ng ibang anyo ang bawat pagtatangkang kumatha. Subalit tulad ng manananggal ay may matinding panganib iyon ng pagtugis ng iba, ng mambabasa, ng kritiko’t kahit ng hindi naman nagbasa talaga roon, ng mga napuntirya’t tinamaan ng akda. Subalit pagbabagong-anyo ito na muli’t muling pagdadaanan ng manunulat hangga’t hindi siya nilulupig ng mga puwersa sa labas niyang tinitingnan siya bilang halimaw. Sa ibang hindi kinakaya ang pressure ng daigdig sa labas ng pagkatha ay pinapanawan ng katinuan o kaya’y nagpapatiwakal. Mayroon ding sadyang pinapaslang: alam natin ang kinahinatnan ni Rizal dahil sa Noli at Fili. 

Madalas na nagsisimula sa notebook ang aktuwal kong pagsusulat; iba pa rin ang hagod ng bolpen o lapis sa papel. Kapag nakailang pahina na ako’t sa palagay ko’y nahuli ko na ang daloy at himig ng isinusulat, saka ko sinisimulang itipa ang mga salita sa keyboard. Sa pagbubuo ng mga pangungusap at talata sa Microsoft Word, isinasaalang-alang ko ang hitsura ng mga ito sa pahinang makikita sa LCD monitor ng computer, kahit pa nga alam ko rin namang hindi iyon masusunod sakaling ayusin ang papel para sa layout na para sa isang aklat. Lumalabas ang pagiging OC ko sa pagpuputol ng pangungusap o pagtitilad ng isang talata upang magkaroon ng biswal na saysay sa akin ang pagkakalapat nila sa pahina. Kaya may seksiyong “Pahinang Pahinga” sa Walong Diwata bago magkaroon ng muling-pagsasalaysay ng mga nangyari mula sa ibang pananaw; kaya may mga kabanata roong isang talata lang. Iyon din ang dahilan kaya kinailangan kong gumamit ng walong iba’t ibang font types sa manuskrito ng Sa Kasunod ng 909—Adobe Garamond Pro, Arial Narrow, Bodoni MT Black, Calibri, Centaur, Monotype Corsiva, Stencil at Times New Roman—upang katawanin ang pagkakapangkat-pangkat ng mga salita, ang pagbabago ng seksiyon, ang pagbabago ng mismong textualidad ng pahayag. Pagkatapos ng konsiderasyon sa pisikalidad at teknikalidad sa pagsulat, saka ko lamang nahaharap ang anyo’t nilalaman ng nobela.

Sa loob ng mahabang panahon, binibigyan natin ng pansin ang halaga ng kuwento (story) sa nobela, kakabit ang formalistikong kahingian ng organikong kaisahan—ang bisa at halaga ng bawat bahagi, bawat tagpo, bawat pahayag, sa kabuuan ng akda. Isang bagay itong hindi ko napahahalagahan nang lubusan sapagkat higit kong kinikilala ang halaga ng mga pagsinsay, ng arbitraryong mga detalye, ng mga pangyayaring hindi maipaliwanag, subalit hindi ganap na surrealista, at sa halip ay nananangan sa mismong kawalang-disenyo ng realidad. Isang bagay itong hindi burara at walang kapararakan, o hindi isinasagawa sa ngalan ng basta kawalang-kaayusan. Sa halip: pananalig ito sa kapangyarihan ng disenyong hindi idinidikta ng kamalayan (consciousness), subalit tinitingnan bilang isang uri ng lohika’t kaayusan din ng kubling-malay na bagaman maaari ngang di laganap o pamilyar sa mga naunang kathang Filipino subalit isang landas na malilinang. 

Kaya naman, taliwas sa atas ng formalismo’t rebisyon, ng pagtitimpi’t pag-i-edit, ay ibig kong manangan sa nasambit ng nobelistang si Michel Houellebecq sa isang panayam: “Hindi ko isusuko ang isang magandang bahagi dahil lang hindi ito umaangkop sa kuwento.” Na maaaring alingawngaw ng isa sa mga pahayag ng postmodernistang si Donald Barthelme sa isa sa kaniyang mga “kuwento”: “Mga pira-piraso lamang ang tanging anyong pinagkakatiwalaan ko.” May kuwento subalit hindi ito ang pangunahing dahilan ng pagsusulat ko ng nobela; napakaraming paraan upang ipahatid ang kuwento, maliban sa salaysay, kaya’t hindi ko matanggap na ito ang ubod o haligi ng pagsusulat ng nobela. May iba pang ginagawa ang nobela sa kabila ng pagkukuwento o samantalang nagkukuwento ito. Kaya sa halip na pananangan sa “kabuuan” o sa “organikong kaisahan” ng kuwento sa nobela, mas ibig kong itaguyod ang posibilidad ng pag-alagwa, ng paghulagpos, ng pagsambulat sa aking harapan ng katha, at maiwan ako bilang mambabasang namumulot ng pira-pirasong saysay, ng detalyeng ang tanging katwiran ng pagkakasangkot ay ontolohiya—ang simpleng pagiging narito, subalit tulad ng maraming bagay sa daigdig ay malamang na may halaga, hindi pa lamang natin natutuklasan, o dahil hindi tayo kailanman magkakaroon ng buong bisyon sa uniberso, na matagal na nating inamin, bilang tao, na hindi tayo ang sentro. 

Dahil dito’y may mga bagay akong basta binitiwan sa nobelang Sa Kasunod ng 909: ang tila kritikal na mga detalye sa ilang bahagi na wala naman pala talagang saysay sa paglaon ng naratibo (halimbawa’y ang 22 daliri sa paa ni Aaron); mga tauhang basta lumitaw at basta nawala (halimbawa’y ang babaeng sinundan ni Norman na naging manananggal); ang mga naratibo sa loob ng naratibo na lihis sa kinasanayang juxtaposisyon ng dalawang pangyayari (halimbawa’y ang kuwento nina Magdalena at Shao Feng sa isang futuristiko’t absurdong mundo kung saan nabubulok ang katawan ng bangkay sa sulok ng bahay); o ang mga kuwentong puro simula lang (tulad ng unang labas ng “Labindalawang Anak ng Aswang”). Sa lahat ng iyon, higit na nangibabaw ang ideya at imahen kaysa sa interes sa paglalahad ng isang buong kuwento. 

Sa isang banda, maaaring naimpluwensiyahan ang ganitong posisyon ng pangyayaring mas nauna akong nalimbag, kinilala  at nahumaling sa pagsusulat bilang makata. Nagsimula akong mahumaling sa tula sa pagsali ko sa Heights, kung saan tula ang inihihinga ng maraming miyembro. Dinatnan ko roon at nakasalamuha ang marami sa mga hinahangaan ko pa rin ngayong makata: Weng Cahilig, Mely Guerrero, Alwynn Javier, Jing Panganiban, Ivy Rosales, Paul Sta. Ana, Neva Talladen at Larry Ypil. Pagkatapos, sumali ako’t naging pangulo pa ng LIRA o Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo, ang samahan ng mga makata sa Filipino, na itinatag ni Virgilio S. Almario. Para sa aking masteral sa Panitikan sa Ateneo, isang koleksiyon ng tula ang binuno ko noong 2004, ang “Tayong Lumalakad Nang Matulin.” Noong 2005, inilathala ng NCCA ang una kong chapbook ng tula bilang bahagi ng Ubod New Authors Series, ang Isa Na Namang Pagtingala sa Buwan, at pagkatapos ay inilathala ng Office of Research and Publications sa Ateneo ang aklat kong Pag-aabang sa Kundiman: Isang Tulambuhay

Sa daigdig ng tula, nakilala ko ang halaga ng espasyo, ng larawan. Bagaman may salaysay din naman ang mga katutubong epiko, ang pasyon, awit at korido, ay ang lirisismo ng mga tanaga’t dalit, ng kumintang at ng kontemporanyong tula ang pinili kong baybayin. Nasa tulang liriko ang sentralidad ng espasyo at hindi ang paghawak sa panahon ng mga salaysay. 

Dahil sa kinasanayang praktis sa tula, hindi ako nagbubuo ng mga banghay; hindi malinaw sa akin kung saan ako tatangayin ng isang dramatikong sitwasyon. Sa halip ay nagsusulat ako hindi ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga tagpo (o ayon sa hindi pagkakasunod-sunod ng mga ito), kundi nagsusulat ako batay sa progresyon ng damdamin at tematikong interes ng naratibo. Ginawa ko ito sa borador ng Walong Diwata ng Pagkahulog, kung saan ginabayan ako ng pagdanas ng tauhan sa mga klasikong elemento ng lupa, tubig, hangin at apoy bilang gabay sa pagsubaybay sa karanasan ng pangunahing tauhan, si Daniel. Walang malinaw na kuwentong tinutungo maliban sa kung paano siya inihatid ng bawat isa sa mga ito sa iba’t ibang danas ng “pagkahulog” na siyang sentral na tema sa akda. Isa sa mga salitang maraming kahulugan sa wikang Filipino ang “hulog”: 23 sa UP Diksiyonaryong Filipino, at walo roon ang maláy na saysay ng salita sa nobela: paglaglag, pagkabihag, ang ibig sabihin ng isang bagay, interpretasyon, pagbibinata, metamorposis, at biyaya mula sa Diyos. Kaya’t sa Sa Kasunod ng 909, ang “kasunod” ay hindi determinasyon ng pagkakahalayhay sa panahon, kundi isang konseptuwal na espasyo ng mga bagay. Lalo itong napaiigting ng imahinaryo ring katangian ng bilang at arbitraryong katiyakan ng “909”.

May mga nagtatalabang mukha ang numero. Sa isang banda, nagpapakita ito ng katiyakan at pagiging sukát ng mga bagay, ng isang partikular na kaayusan ng uniberso; subalit naghahayag din ito sa kabilang banda ng kawalan ng tinutukoy, ng pagiging hungkag, ng pangangailangang kumapit sa ibang bagay upang magkabisa, tulad ng lahat ng sagisag. Ano ang kasunod ng 909? O ano ang nasa kasunod ng 909? Nagiging arketipal ang mismong kahungkagan ng numero na nagsisilbing baul na sisidlan ng mga kahulugang wala naman doon. Ito ang itinuturo ng numerolohiya, ng pagtaya sa huweteng o lotto, ng paglalaro ng bingo, ng pamumuhay sa lipunan nating may kahulugan ang wala hanggang sanlaksa. Traydor ang 13: hudas, malas. Maging ang ikatlo, kaya’t kailangang magdagdag ng ikaapat na baytang sa hagdanan, o ng ikaapat na tao sa pagpapakuha ng litrato—nang sa gayo’y matakasan ang máta, ang kamatayan. Suwerte ang kambal, at ang pusang lagalag na may siyam na búhay. Huwag namang maglilipat-bahay o magtatakda ng pagdiriwang sa mga petsang nagtatapos sa isinusulat nang pababa, tulad ng 1, 4, 7, kahit pa nga ba kombensiyon din lang ang pagsulat sa mga simbolong ito sa ganitong paraan. 

Ang ibig kong sabihin, muli: Nananangan ako sa salimuot ng pagsasanaysay, ang kathang sanaysay, ukol sa mga konsepto’t abstraksiyong maaaring bunuin sa loob ng nobela, sa halip na maging basta pagsuysoy lamang ito sa kuwento—na higit na katangian at tunguhin ng mga nobelang popular.  

Subalit totoo ring may napakamakapangyarihang tagpo na siyang pinagmumulan ng naratibo: ang binatang inililigaw ng isang bata papunta sa gilid ng bangin sa Walong Diwata; at ngayon sa Sa Kasunod ng 909, ang amang nawala sa gitna ng pagtatanghal ng salamangka sa isang liblib na baryo. Iyon ang unang larawan na dumating sa akin sa bagong nobelang ito. Hindi ako pinatutulog ng pag-iisip: Bakit nangyari iyon, ano talaga ang nangyari—at saan patungo iyon? Hanggang sa mapilitan akong harapin at upuan ang mga kuwento nila. Kung bakit sa pagsuysoy ko mula roon ay tinangay nga ako sa imahinasyon ng manananggal sa iba’t ibang panahon at anyo—mula sa tradisyong pabigkas hanggang sa pelikula. At hindi nga linyar o kronolohikal ang pagkilala ko sa nagdaan. Nagsasalimbayang mga yabag, gayon ang mga imahen ng lumipas na kailangan upang unawain kung paano nakarating sa puntong iyon. Kinikilala ko ang bigat ng bagabag sa larawan ng isang tagpo upang hindi ako noon tantanan at hilahin tungo sa pag-akda na paano ko maiisip sa simulang laging kay-hirap iluwal at aabot sa bandang huli sa mahigit 70,000 salita at humigit-kumulang apat na taon ng pagpupuyat at pagsubaybay sa mga kathang buhay na iyon. Napapanaginipan ko sina Daniel at Teresa, sina Norman at Eman, sa mga panahong mas kilala ko pa sila’t mas madalas na kasa-kasama kaysa mga totoong tao sa mundong ginagalawan ko.

Sa pagsisiyasat sa “luma” at “bagong” nobelang Tagalog, kinilala ni Ma. Luisa T. Reyes ang kapansin-pansing “paglalahad” sa una, at “paglalarawan” sa huli, bilang mga batayan umanong teknik sa paghubog ng istruktura ng naratibo. Naipapakita kung  paanong saligan ang paglalahad ng ekonomiyang pang-naratibo ng mga lumang nobela; samantala, nagiging instrumento rin tungo sa ekonomiyang pang-naratibo ang paglalarawan sa mga bagong nobela sapagkat nagbibigay-daan naman ito sa produksiyon ng maraming kahulugan.

Kaya naman higit pa siguro akong naniniwala sa halaga ng tauhan kaysa sa kuwento—o mas tama sigurong sabihin: sa kamalayanng tauhan, o sa mga tauhan bilang kamalayan. Dahil dito higit na nagiging mapanaysay nga (essayistic) kaysa nagsasalaysay ang maiinam na nobela para sa akin. Ang aspekto na ito ang hindi mahuhuli nang lubos ng ibang anyong nagkukuwento rin, tulad halimbawa ng komiks at pelikula (na kung hindi nagkukuwento’y nag-iiwan ng mga impresyon sa mga larawan at tagpo) o ng mga drama sa radyo (na sa diyalogo’y mas nagkukuwento o naglalarawan pa rin). Nasa nobela ang huling tanggulan ng tinatawag ko ngang kathang sanaysay, na isa sa mahahalagang moda ng pagsusulat sa loob ng nobela para sa akin. Sa pamamagitan nito’y nagagawang suysuyin ang salimuot ng mga temang nagpapainog sa buhay ng mga tauhan.

Sabihin pa, mahalaga sa akin na galugarin ang psyche ng indibidwal, sapagkat ang psyche rin na ito ang gumagana sa madlang tagatanggap ng texto, ang mambabasa. Sinusubaybayan ng tao ang kuwento dahil nakikisimpatya sila sa damdamin ng bida, o galit na galit sa asal at pag-iisip ng kontrabida. Bakit pumapatok pa rin ang pag-uulit ng gayon at gayon ding mga kuwento, lalo pa sa mga tekstong popular? Dahil nakakapit tayo sa pasyon ng tauhan. Sa nobela, gusto nating makilala ang salimuot ng kondisyon ng kamalayan, ang urong-sulong na mga pagpapasya, ang hindi matatawarang ligaya’t lungkot ng mga tauhan—sa  pag-asa na sa pamamagitan nila’y nagagawa rin nating kilalanin ang mga sarili nating takot at pag-asa. 

Sa una kong nobelang Walong Diwata ng Pagkahulog, marami sa mga nagsabing nagustuhan nila ang nobela—sa pamamagitan ng text, post sa Facebook wall, o kaya’t mini-rebyu sa kani-kanilang blog—ay nagsasabi ring nakikita nila ang sarili nila kay Daniel. At hindi puro lalaki lamang ang personal na nagpahayag sa akin ng gayon. Hindi ba’t sinubok ko rin namang tingnan ang sarili ko kina Toru Watanabe at Arturo Belano, kahit pa walang-wala akong dugong Hapones o Chilean? Hinahanap natin ang mga sarili natin sa mga tauhang binabasa natin. Hindi ito pagtakas sa realidad, kundi pagtuklas sa realidad ng loob, higit na pagkilala sa sarili natin na tila kasinghiwaga ng kalawakan ng unibersong imahinaryo’t totoo.

Kabaligtaran ng maaaring ipagpalagay ng marami, dahil sa madalas kong paggamit ng elemento ng kahiwagaang sinasalok ko sa mga kuwentong bayan, hindi ako naniniwala sa pantasya. Subalit sa pantasya bilang isang alternatibong realidad, hindi sa pantasya bilang produkto ng kamalayan—ng imahinasyon at mga panaginip, at kung gayon ay bahagi ng realidad. Ibig ko ang pahayag ni David Sandner sa fantastic bilang,

literatura ng pagkakapira-piraso, isang literaturang subersibong nagbubunyag ng mga pagnanasa natin sa salaming bahay-aliwan, nagbubukas ng malalim ng kahulugan, nag-uungkat sa mga hanggahan ng sarili at lipunan… [at] bilang literatura ng pagkahuli, nakakalag sa realidad, walang malay, baul ng sumabog na paniniwala sa sobrenatural, nagpapahayag ng paghahangad sa nawaglit na kabuuan…

Narito ang ibayong konteksto ng fragmentasyong tinalakay ko na sa itaas. Malaking bahagi ng araw ng karaniwang tao’y nagugugol sa pag-iisip na pantastiko, gising man siya o natutulog at madalas ay hindi natin binibigyan ng paghahati at pagbubukod ito sa kamalayan. Pinag-uusapan sa probinsiya ang pagmumulto ng namatay o ang pangingilag sa nuno sa punso sa parehong antas ng realidad na tulad ng laban sa PBA o pagpapakamatay ni Angelo Reyes. Sa ganitong paraan ko ibig tingnan ang paggamit ko ng mga detalyeng pantastiko sa nobela, bilang integral na bahagi ng kamalayan ng tao, na pareho ng antas ng iba pang produkto ng kaparehong kamalayan—tulad ng kaniyang pilosopiya’t pananalig, ng kaniyang mga alaala at pag-iisa, ng kaniyang takot at pag-asa.

Ganito ang papel sa akin ng mga tauhan at nilalang ng dilim sa ating mga kuwentong bayan na sinalo ng mga akdang pampanitikan at ng kulturang popular—ang mga aswang at manananggal, ang mga nuno sa punso, ang mga diwata at mangkukulam. Silang kinatakutan noong kabataan ay sinikap kong harapin at kausapin. Kung sa naunang nobela’y ginamit ko bilang espiritung gabay ang mga nosyon natin ng diwata at nakibahagi ako sa patuloy na pagkatha ng mga alamat tungkol sa kanila, sa ikalawa’y higit ko namang pinagmunian nga ang mga manananggal at kung paano nila tinawid ang landas mula kuwentong bayan hanggang komiks, pelikula at telebisyon, at ngayon, ang nobela. Kung paanong bilang produkto ng kamalayan natin ay patuloy nilang pinaiikot ang kamalayang iyon, ang kamalayan ng mga manlilikha’t tagakonsumo ng mga texto.

May mga pagkakataon din sa proseso ng pagsusulat na itinutulak ako ng labis na pagkalango sa salita, sa tunog, sa daloy ng pahayag. Naiimpluwensiyahan din siyempre ito ng patuloy ko pa rin namang pagsusulat ng tula hanggang ngayon. Subalit ibig kong tingnan ito bilang posibilidad tungo sa pagkahubog ng isang tinig na maaangkin ko. Hindi ako makapagsusulat na tulad ng hawak sa wika sa pagkukuwento nina Jun Cruz Reyes, o Tony Perez, o Eli Guieb, o Rolando Tolentino, at hindi ko naman ibig siyempreng ulitin lang sila. Subalit pangarap ko ring makahubog ng tinig sa nobela na maaari ngang hindi basta tulad sa kontemporanyong realidad (“masyadong malalim ang Tagalog,” “may nagsasalita ba nang ganyan?”) sapagkat wala naman akong ambisyong hulihin lamang ang realidad—o na hulihin ang realidad na ito sa mga superpisyal nitong manipestasyon tulad ng paraan ng pagsasalita ng tao, at ng mga pinipili niyang salita. Mas ibig kong maging lunsaran ang nobela ng mga posibilidad ng pahayag, ng konstruksiyon ng magandang wika, ng kombinasyon ng epektibong tunog at kahulugan, katulad pa rin ng kinasanayan ko sa pagtula.

Dahil dito kaya’t ibig kong palawigin pa ang pagmumuni sa ugnayan ng tula at nobela, upang tangayin nawa mula roon patungo sa hinala kong niloloob ng nobela ang tula: na pinapasok ng nobela ang tula upang gamitin ang bisa nito para sa sarili niyang kapakanan. Kagaya ng konseptong ipinakilala ni Horace sa sarili niyang “Ars Poetica,” magsisimula ako in medias res, “sa pagitan ng mga bagay,” dahil laging naroon ang puwang ng paninimbang, pahinga, pagtataya, at posibilidad ng pagsulong o pag-urong, paggalaw o pananatili. Iyon ang espasyo’t panahon ng pagbabagong anyo ng isang manananggal. At sa pagitan ng mga bagay, nagmumukhang may antagonismo sa pagitan ng tula at nobela, may salungatan: sa simula’y tila magkaibang-magkaiba sila ng pinaninidigan.

Tingnan natin ang tula at nobela sa konteksto ng dambuhalang katotohanan sa ating kasaysayan na hindi maitatangging humubog sa kondisyon ng ating bayan at namamayaning kamalayan sa ngayon, at kung gayon, maging ng ating mga produksiyon at konsiderasyong pang-estetika: ang kolonisasyon. Sa tunog ng kampana sa pagtatatag ng mga pueblo, sistematikong nabura ang alaala at saysay ng sarili nating mga pagbaybay, pinatay ang mga bayani ng ating epiko ng mga dasal na Katoliko at ng mga kuwento ng buhay ng mga santo, at muling-binuhay na lamang sa pasyon ni Kristo na tinagulaylay para sa mga pumanaw at sa kanilang iniwan sa daigdig na ito.

Kung tutuusin, may tuwiran sana tayong relasyon sa isa sa mga itinuturing na ninuno ng nobela sa kanluran: 1605 nang lumabas ang unang bahagi ng Don Quixote ni Miguel de Cervantes, na nakasulat sa Espanyol. Halos kasabay noon ang pagdating naman dito sa Pilipinas ng palimbagan, ang teknolohiya na nagbigay ng posibilidad sa anyo ng nobela, sa pamamagitan din ng mga Kastila. Subalit kapuna-punang lilipas pa ang halos tatlong daang taon, sa dulo na ng pananakop ng mga Kastila, bago malathala ang itinuturing na unang nobelang Filipino, ang Ninay ni Pedro Paterno, at pagkatapos, ang Noli at Fili ni Jose Rizal. Simptomatiko ito ng relasyong pampanitikan sa pagitan ng Espanya at Pilipinas nang panahong iyon at ng materyal na kondisyon ng palimbagan sa bansa na hawak ng mga misyonerong Kastila. Siyempre pa, inunang ilimbag ang mga textong may direktang pakinabang sa proyekto ng pananakop at kumbersiyon: doktrina, aklat ng katesismo, kumpesyunaryo, diksiyonaryo, relasyon, mga leyenda. Mula sa mga iyon, saka nga nalimbag ang mga aklat ng tula gaya ng Memorial dela vida christiana ni Francisco de San Jose, at para pa rin sa sistematikong indoktrinasyon ng mga katutubo.

May balintuna sa pagpabor ng mga mananakop sa tula: pinag-aralan nila ito dahil nakilala nilang malalim ang pagkakaugat nito sa tradisyon ng bayan, gaya ng ibinubunyag ng mga bugtong, sawikain at awiting-bayan. Naging susi ang anyo kung gayon sa pagtatangka nilang i-access ang katutubong psyche upang madomina rin ito at masakop maging pamantayang pang-estetika nito. Alalahaning samantalang tinitipon ang mga bugtong, sawikain, dalit at tanaga sa mga vocabulario, gaya ng ginawa nina Noceda at Sanlucar sa Vocabulario dela lengua Tagala, nilipol naman umano ang mga katutubong tula na itinuring ng mga prayleng mahahalay at maysa-demonyo, bagaman posibleng higit na laganap, kumpara sa “malilinis” na tula, gaya ng argumento ni E. Arsenio Manuel sa pag-aaral niya sa mga motif ng tradisyong oral ng ilang pangkat-etniko sa Pilipinas. Dinibdib kahit ng mga misyonerong gaya ni Francisco de San Jose ang pag-aaral at pagtula sa wikang Tagalog upang unawain ang katutubong gawi, at maipasok ang aral na Kristiyano sa loob ng bayan, sa pamamagitan ng tula. 

Malinaw na mas malayo ang nililingong nakaraan ng tula, kumpara sa nobela. Hindi lamang dahil sa mahabang kasaysayan ng tradisyong pabigkas bago dumating ang palimbagan, kundi kahit sa panahon ng paglilimbag, nauna nang tatlong siglo ang “May Bagyo Ma’t May Rilim” ng isang Tagalog na hindi napangalanan, kumpara nga sa akda ni Paterno, o lalo pa sa Nena at Neneng ni Valeriano Hernandez Peña, ang itinuturing na unang nobelang Tagalog, na sa pananakop na ng mga Amerikano unang naserye sa pahayagan. Naging padron nga ang mga epikong nawalan ng puwang ang pag-awit sa mga pambayang pagdiriwang upang isulat at ilimbag ang mga pasyon at mga sekular na awit at korido. Kahit inilimbag na nga ang mga ito, ang tugma at sukat na parehong function ng oralidad ang pangunahing sintomas ng nostalgia sa pagbigkas ng nakalathalang tula, ng pamilyaridad sa pagitan ng tumutula at nakikinig sa pagtatanghal, kaya naman marami ring tala na inaawit pa rin talaga ang mga berso ng limbag na awit, tulad ng Florante at Laura ni Balagtas, at kaya rin nga nahubog ang pabasa para sa pasyon. Malinaw ang ideya at pagdanas ng komunidad bilang kakabit ng oralidad, na siyang ideyal para sa istruktura ng kapangyarihang ibig kumubkob sa isang kolektibo.

Sa kabilang banda, maaaring sabihin na malaki rin ang papel ng tula upang labanan ang mismong orkestrasyon ng pananakop, kung pagbabatayan ang pag-aaral ni Reynaldo Ileto sa paghubog ng pasyon sa kamalayang-bayan o ang naging epekto ng Florante sa kalinangang intelektuwal mula pa sa panahon ni Rizal. Hanggang sa panahon ng kolonyalismong Amerikano, ganito ang naging bisa ng maraming tula, lalo na ng mga makatang nagsulat ng pitak na patula sa mga pahayagan, tulad ni Jose Corazon de Jesus. Hindi matatawaran ang bisa ng kaniyang mga tulang nasyonalista, na pangunahing kinakatawan ng “Bayan Ko” na umalingawngaw hanggang sa unang EDSA. Maraming makata na nagpatuloy ang pananalig sa bisa ng pagtula, sa gitna ng iba’t ibang anyo ng opresyon, tungo sa posibilidad ng pagbabagong panlipunan. 

Kung doble ang talim ng pagdanas sa tula, bilang nakaugat sa tradisyong katutubo, at kung gayo’y maaaring balingan ng katutubo sa adhikaing nasyonalista sa isang banda, subalit maaari rin namang kasangkapanin ng mananakop sa kabilang banda upang maniobrahin nga ang mismong makinarya ng opresyon, dumaranas din ng parehong dobleng talim ang nobela.

Sa isang banda, malinaw na isang kanluraning anyo ang nobela. Minana natin ito sa mga mananakop, at hanggang ngayo’y ipinagpaparangalan nila bilang isang anyong Europeo. Kaya naman nasa kanila ang mga Cervantes at Rabelais, ang Dumas, Dickens, Dostoevsky, ang pag-unlad ng wikang Ingles, Kastila, Pranses, Ruso kasabay ng salimuot ng tradisyon ng kanilang prosa. At noon pa ma’y binabasa na nila ang isa’t isa. Sa panahon ni Cervantes mismo halimbawa’y naisalin na sa iba’t ibang wika ang Don Quixote. Ipinaliwanag na ito ni Orhan Pamuk na sa panahon ng matinding nasyonalismo, mas madaling balingan, o balikan, ng mamamayan ang kanilang tula, dahil ito ang nag-uugat sa kanilang malayong nakaraan, kaysa sa nobela, na sinasabing pamana na ng mananakop. Matagal umano bago sineryoso sa Turkey ang nobela bilang isang sining, halimbawa. 

Kaya naman, hindi na nakapagtatakang ang mga unang itinuturing na nobelang Filipino, kung hindi isasali ang mga proto-nobelang Urbana at Feliza at Si Tandang Basio Macunat, ay isinulat din sa wikang Kastila, at kung gayon, ng mga banyaga, o ng mga arál. Kaibang-kaiba sa kondisyon ng produksiyon ng pinakamatatanda nating tula, kosmopolitan na agad ang ating nobela: nakamata sa mundo, imbes na nakalingon sa pinagmulan. Ang mga nobela halimbawa ni Rizal ay isinulat niya sa iba’t ibang bahagi ng Europa, nalathala rin sa labas ng bansa, may mga erudisyong kanluranin, at kamakailan ay ginawan ng pagbasa ni Almario na may malaking impluwensiya rin umanong Aleman. Pagdating pa lang ng mga Amerikano, dahil sa sekularisasyon ng palimbagan at pagdami ng mga diyaryo at magasin, aangkinin ng mga katutubong wika, lalo na ng Tagalog, ang pagsusulat ng nobela sa paglaganap ng serialisasyon nito. 

Subalit nangangailangan ng pag-iisa ang sandali ng pagbabasa sa nobela, at humihikayat ito ng pag-iisip, kaya’t halos katakutan ng sistemang kolonyal. Kahit sa Europa, kakabit ng pagkahubog ng anyong ito ang kasaysayan ng subersiyon; tiningnan ang mismong anyo bilang subersibo. Kaya sa Europa rin, nang nagmungkahi si Rizal sa mga kasama niyang ilustrado na gumawa ng pagmamapa ng karanasan at kondisyong kolonyal ng Pilipinas, upang itaguyod ang isinusulong nila noong reporma, nobela ang anyong nasa isip niya. Kaya bagaman hindi ito napanindigan ng mga kasama niya’y dinibdib nga niya’t siyang nagluwal sa Noli at Fili

Subalit maliban sa pagtingin sa relasyon ng nobela at tula bilang antagonistiko, may namamayani ring pagturing sa kanilang relasyon bilang pagsusupling. Ganito halimbawa ang iminungkahi ni Resil B. Mojares sa naging kasaysayan ng pagkahubog ng nobela sa bansa natin na nililingon ang epiko bilang isa sa mga mahahalagang ninuno ng haba ng naratibisasyon. Padron din umano ito ng klasikal na larawan ng bayani sa mga kuwento mula sa iba’t ibang lupain sa daigdig na kinakailangang lisanin ang sariling bayan upang hanapin ang lunas sa ibang lupain. Kaya’t ang pag-alis ni Aliguyon sa Hannanga o ni Agyu sa Nalandangan ay minana ni Florante na kinailangang mag-aral sa Atenas at paglaon, ni Crisostomo Ibarra nga na kinailangang mag-aral sa Espanya, upang pag-uwi’y matuklasang may kanser na ang Inang Bayan. Ganito rin ang tingin ng nobelistang si Jane Smiley, sa aklat niyang 13 Ways of Looking at the Novel, kung saan tinitingnan ang mga anyong nauna sa nobela, tulad ng liham, travel essay, tale, joke, romance at epic, ang huling dalawa bilang mga anyong patula, bilang mahahalagang “niloob” ng nobela upang pakinabangan nito.

Ano ang ibig kong sabihin? Hindi lamang literal na nasa loob ng maraming nobela ang tula, bagaman totoong kahit ang pinakamatatandang nobela, mula pa sa Don Quixote kung saan nagiging gawi ng ilang tauhan ang pag-awit ng mga taludtod, pagsasalaysay nang patula, at maging sa pagtatapos ng unang aklat nito na nalathala nga noong 1605, patula ang elehiya para kay Don Quixote at maging sa kaniyang mga nakasamang sina Sancho Panza, ang kabayong si Rozinante at ang pag-ibig niyang si Dulcinea. Bagaman pinili ni Rizal ang anyo ng nobela, sa loob nito’y kinilala pa rin niya ang inspirasyon ng awit ni Balagtas, ang Florante. Hindi iisang beses na sinipi ng nobelista ang makata, o ipinaalala, sa pamamagitan ni Pilosopo Tasyo, ang mga taludtod ng makata ng Panginay, at hinubog ang naratibo sa espiritu ng naunang tula ni Balagtas. Kahit sa edisyong internasyonal ng Noli na inilathala ng Penguin noong nagdaang taon, sa introduksiyon ni Harold Augenbraum, napangunahan pa rin ng tinig ni Balagtas ang pagpapakilala sa nobela, sa pagsipi ng kritiko sa ilang taludtod mula sa “Kay Celia” bilang epigrap. Maliban kay Balagtas, sinisipi rin ni Rizal ang mga tula ng makatang gaya ni Lope de Vega sa kaniyang nobela. 

Kahit sa pinakabagong mga nobelistang Pilipino, tulad ni Ellen Sicat sa kaniyang Paghuhunos at Unang Ulan ng Mayo, makikitang importante ang tula sa loob ng nobela. Sa Paghuhunos, nakalagay pa ang salin sa Tagalog ng isang tula ni Browning, bukod pa sa pagpapakilala sa ama ng manunulat na si Carlos bilang makata, at isa umano sa mahahalagang impluwensiya sa pagkamanunulat ng anak niyang siya namang napangasawa ni Gloria, ang tagapagsalaysay sa nobela. Sa Unang Ulan ng Mayo na pagpapatuloy ng kuwento ng naunang nobela, sinabi ni Gloria na isinusulat niya sa porma ng isang tula ang balangkas ng kaniyang kuwento dahil mas madali umano itong alalahanin. Malinaw na para sa kaniya, kakabit ng tula ang alaala, ang pag-alaala, kaya nga sa halos lahat ng tradisyon ng pagtula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, marami itong pamamaraang mnemonic, gaya ng pag-uulit ng tunog, bilang ng pantig, o kahit ng mga buong taludtod. 

Subalit hindi nga ganoon kasimple ang dahilan at paraan kung paanong niloloob ng nobela ang tula. Pinapasok ng nobela ang tula, gaya ng magnanakaw sa hatinggabi, subalit walang intensiyong mamaslang. Ginagawa ito ng nobela upang tingnan ang tula nang lampas sa hanggahan ng mga kinasanayan nating pagtingin dito mula sa labas. Kaya mahalaga ang pagkilala sa usapin ng loob, at ang kakabit nitong pagamamalay sa labas. Isa sa pinakamayamang konsepto sa mga Tagalog ang loob, na ginawan na ng hindi iilang pag-aaral. Sa pag-aaral sa tula, may iminungkahi si Almario na pagkakaiba ng himig na paloob at himig na palabas, at kung paanong higit na nagkaroon ng pagkiling sa direksiyong paloob ang mga modernistang makata dahil ito ang nagbibigay ng puwang sa paglilimi, imbes na pangangaral o pagdidikta. Mahalaga ang katangiang ito ng pagmumuni o introspeksiyon sa pagloloob ng isang bagay, dahil, ayon naman sa kritiko at postmodernistang nobelista at kuwentistang Rolando S. Tolentino, maaaring ang introspeksiyon ang isa sa mga huling sandata ng indibidwal sa iba’t ibang teknolohiya ng pagkontrol sa kaniya sa harap ng pagkakahati ng kolonisasyon sa ating espasyo sa pagitan ng “pampubliko at pribadong spero.” Sa pagkakaroon ng malinaw na pampublikong spero kung saan minamatyagan ang katutubong ibig supilin, kaya’t kailangan siyang pailalim sa reduccion, sa hanggang maaabot ng tunog ng kampana, ang introspeksiyon, ang panloloob sa mga bagay, ang maaari ngang huli niyang kaligtasan. Lalo pa’t hindi istatiko ang loob na maaaring maging mabigat, magaan, maluwag, masikip, magulo, mabuti, masama. Kung niloloob ng nobela ang tula, sa anumang dahilan, ibig sabihi’y may puwang iyon para rito, dahil iyon lamang mga “wala sa loob” natin ang walang halaga para sa atin.

Sa harap ng mga ganitong komplikasyon ng relasyon ng anyo ng nobela at tula, lalong nagiging kritikal ang pasya ng anyong gagamitin sa pagsusulat. Bakit nobela ang pinili ko ngayong muling isulat, sa halip na koleksiyon ng tula? Kailangan bang pumili? Totoo naman, makata’t nobelista si Rizal, gaya ng maraming iba pang mahalagang manunulat na Filipino: Iñigo Ed. Regalado, Lope K. Santos, Amado V. Hernandez, Alejandro G. Abadilla, Jun Cruz Reyes, Lualhati Bautista, Tony Perez, Luna Sicat. Subalit may mga pagkakataong kinailangang magpasya. Tulad ni Kundera na pagkatapos makapagpalathala ng ilang koleksiyon ng tula ay hindi na muling nagsulat ng tula at nagtuon na lamang sa nobela. Sa Life Is Elsewhere, inihayag niya ang panganib ng tulang liriko na maaaring magkaroon ng bisang estetiko kahit walang naihahayag na katotohanan o insight. Sa isang banda, ganito ang materyal na kondisyon sa produksiyon ng marami sa ating mga epiko: nagmula sa naghaharing-uri, binibigyang-katwiran ang kalakaran, ang status quo na sumusuporta sa pamilya o angkan ng namumuno: isang naratibo ng lehitimasyon ng kayamanan at kapangyarihan na paulit-ulit na inaawit sa mga opisyal na okasyon ng bayan gaya ng anihan, pagtatanim, kasalan, paglalamay. 

Sa isang banda, nobela ang pinili kong isulat sa ngayon, dahil sa daigdig natin ng prosa, lalong nagiging mahalaga ang nobela sapagkat sa kinathang daigdig na ito ng tuluyan, na mas hindi pangingimiang pasukin ng karaniwang mambabasa, nakalulungkot at totoo, dahil totoo, naipaaalala ang pangangailangan ng tula, kung bakit kasintanda halos ng sibilisasyon ng tao ang pagtula. Na kung ang nobela ay isang pagsisiyasat sa kondisyon ng pagiging tao, malaking bahagi nito ay pagsisiyasat sa relasyon ng tao sa tunog, sa larawan, sa salita, sa kaniyang sinig, sa tula. Walang anyong pampanitikan na pumapatay sa isa pang anyo. Walang antagonismo ang mga sining sa isa’t isa. Mayroon lamang umaalala sa dati, hindi nakalilimot, nanloloob. Niloloob ng nobela ang tula upang kilalanin mula rito ang sarili niyang pagkahumaling sa salita, at pagnanasang magsalita tungkol sa daigdig, makipag-usap sa daigdig.

Nagsusulat ako ngayon ng nobela at pansamantalang iniiwan ang pagtula, upang ipaalala sa daigdig nating nag-aalangan nang harapin ang pahinga ng linya, ang pagtalon sa pagitan ng mga saknong, ang tensiyon ng mga puwang na nililikha ng mga salitang hindi mapagtatabi nang ganap para patuloy na makilala ang kanilang sarili, upang ipaalala sa maliit na mundong maaabot nito na sa loob ng nobela, sa ating bayan, sa ating daigdig, may linya, may saknong, may tula, patuloy na may mga pinipiling magmakata: may hindi basta-basta nilulunod ng tuluyan, may hindi basta-basta nalulunod nang tuluyan sa daluyong ng mga salita. Sa ganito ako nagsimula’t nagpapatuloy na kumatha ng nobela, sa ganito nagsimula ang patuloy kong pagbabagong-anyo sa pagkatha, na tulad ng isang manananggal sa pagtatangka nitong patuloy na harapin ang luwalhati at pighati ng buhay.

(This essay is a chapter from my book Halos Isang Buhay: Ang Manananggal sa Pagsusulat ng Nobela, published by UST Publishing House in 2012. Go to BOOKS to see all my books. If you want to include this essay in your textbook or anthology, kindly contact me to ask for permission. Art work above is by Sean Sonsona.)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s